Tuesday, March 27, 2007

Defense Chief, Umalma Kontra People's Tribunal

MANILA (Mindanao Examiner / 27 Mar) – Hindi nagustuhan ngayon ng liderato ng Department of National Defense (DND) ang pagdidiin ng people's court ng The Hague, Netherlands sa militar bilang responsable sa extrajudicial killings sa bansa.

Ayon kay Defense Secretary Hermogenes Ebdane Jr., maituturing na international kangaroo court ang Permanent People's Tribunal, isang independent opinion body, matapos na humusga rin sa pamahalaang Arroyo bilang guilty sa human rights violations at economic plunder.

"What is that, an international kangaroo court?" ani Ebdane sa pulong balitaan.

Iginiit ni Ebdane na hindi naman nabigyan ng pagkakataon ang gobyerno upang ipahayag ang panig nito sa naturang usapin kundi pawang mga militanteng grupo lamang ang nakapanayam ng naturang people's tribunal.

Samantala, naniniwala naman si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. na mabigat na paratang ang ibinigay ng The Hague laban sa mga awtoridad ng bansa.

Ipinapahiwatig pa nito ang posibleng pakikisabwat rin ng ilang militanteng organisasyon sa PPT upang tuluyan idiin ang militar at gobyerno sa mga political killing.

Gayunman, naninindigan si Esperon sa mahigpit na pagkondena sa mga pagpaslang sa Pilipinas at hindi ito kinukunsinti ng AFP. Una na ring idiin ng United Nations rapporteur ang AFP sa extrajudicial killings. (Juley Reyes)

No comments: