MANILA - UMAMIN KANINA si Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. na binago nito ang rekomendasyon sa mga kasong isasampa laban sa mga hinihinalang sabit sa bigong kudeta noong nakalipas na taon.
Subalit, pinaninindigan ni Esperon na nasa kanyang prerogatibo at awtoridad ang palakasin o bawasan o magdismis ng mga kaso laban sa nasasangkot na opisyal ng Philippine Army Scout Rangers at Philippine Marines.
Sa naunang rekomendasyon ng Judge Advocate General's Office (JAGO) kasunod ng pre-trial investigation, wala ang kasong mutiny laban sa pinaparatangang coup plotters.
Ngunit matapos na pag-aralan ni Esperon ang PTI report sa tulong ng Staff Judge Advocate nito ay nadagdagan na ang mga paglabag sa Articles of War ng may 30 opisyal.
Itinatanggi naman ni Esperon na isang uri ng pag-abuso sa awtoridad ang kanyang naging hakbang. "No, not at all. Ang dami ko pang gagawin sa kanila, but timplado," ani Esperon.
Sinabi ng heneral na inirekomenda ng PTI panel ang paghahain lamang ng paglabag sa Articles of War 96 (conduct unbecoming an officer and a gentleman) at 97 (conduct prejudicial to good order and military discipline), na pawang magaan na kaso, hindi tulad ng rekomendasyon ni Esperon na mutiny na may parusang kamatayan kung inilunsad sa panahon ng giyera ang pagrerebelde.
"The PTI report recommended for charges to be filed, Articles of War 96, Article of War 97 on most of them. The pre-trial advice had another set of recommendations, which included mutiny. Based on that, I made my decision," ayon pa kay Esperon.
"That's the prerogative of the chief of staff. That's the duty of the chief of staff. Now they [accused] want to question that? Okay so let's go to court," dagdag na katwiran ng AFP Chief.
Bukod sa mutiny, idinagdag rin ni Esperon ang Articles of War 63 (disrespect towards the president), at 65 (willful disobedience of superior officer). (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment