Friday, March 09, 2007

Media, Protektado Sa Anti-Terror Law?

MANILA (Mindanao Examiner / 09 Mar) – Tinitiyak ngayon araw ni Anti-Terror Task Force chief Ricardo Blancaflor na mapoprotektahan ang mga miyembro ng media sa ganap na implementasyon ng Human Security Act of 2007.

Hindi aniya maituturing na kasabwat sa krimen kung nakapanayam lamang ng media ang isang terror suspect o kahit na nabatid nito ang plano hanggang naisakatuparan ang karahasan ngunit hindi isinumbong.

Sa ilalim ng naturang bagong batas, ang accessory sa terorismo ay may katapat na parusang pagkakakulong ng 10 taon hanggang 12 taon.

Paliwanag ni Blancaflor, masasabing kakuntsaba ang media kung nakinabang o tumulong ito sa pagtakas o pagtago sa isang suspek, sinira o inilihim rin ang mga ebidensya ng krimen.

Gayunman, aminado ang opisyal na hindi maliwanag ang probisyon para sa proteksyon ng mga mamamahayag kung kayat hinikayat nito ang media na magsumite ng panukalang probisyon.

Maraming mga miyembro ng media sa bansa at mga lawyers groups at human rights activists ang nag-alsa ng isyu na maaring ma-harass ang mga mamamahayag sa mga iniuulat nito dahil sa mga probisyon ng batas na nagbabawal kapanayamin ang mga tinaguriang terorista. (Juley Reyes)

No comments: