Friday, March 09, 2007

MILF Umatake Sa Mindanao!

Halos maiyak ang amang si Abdulah Samad at asawang si Kadija habang binabantayan ang kanilang anak na nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala sa kasagsagan ng labanan sa pagitan ng militar at Moro Islamic Liberation Front rebels sa bayan ng Midsayap sa North Cotabato. Hindi maiguhit ang mukha ng batang si Nor-in sa tindi ng tinamong trauma. (Mindanao Examiner Photo/Mark Navales)

MANILA (Mindanao Examiner / 09 Mar) – Dalawang sibilyan ang nasawi habang isa ang sugatan kasunod ng panibagong bakbakan sa pagitan ng Moro Islamic Liberation (MILF) at militar sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan sa Maguindanao.

Nabatid kanina kay Lt. Col. Julieto Ando, spokesman ng Army's 6th Infantry Division, nagpakawala ng ilang rounds ng 105-howitzers ang militar laban sa tinatayang 150 MILF rebels na sumalakay sa detachment ng militar sa Dapiawan dakong alas-12:30 ng kahapon ng madaling araw.

Nakilala ang napatay na lolang si Tauti Taha, 60 anyos at apo nitong si Rasul Balat, 15 anyos at sugatang si Abdul Razul Maguid, 14 taon. Wala namang naiulat na nasugatan o nasawi sa panig ng tropa ng pamahalan sa labanang tumagal hanggang alas-6 ng umaga.

Sinabi ni Ando na matapos na harasin ng mga rebelde ang kanilang mga tauhan sa Midsayap, North Cotabato, tinarget naman ang mga sundalo sa Maguindanao upang makaganti sa militar. Tinatayang 17 MILF fighters ang napatay kasunod ng naunang engkuwentro sa North Cotabato.

"After harassing our troops in Midsayap town in North Cotabato, our soldiers in Datu Saudi Ampatuan are their targets. They are really retaliating for the deaths of their comrades. It's not our fault," depensa ni Ando.

Gayunman, sinisi ni Mohagher Iqbal, MILF's chief peace negotiator, ang militar sa panibagong sagupaan na nag-ugat sa pagpasok ng mga sundalo sa kanilang teroritoryo nang walang koordinasyon. "I don't know if these attacks are sanctioned by the Armed Forces of the Philippines or just within the 6th Infantry Division," ani Iqbal. (Ulat nina Juley Reyes sa Manila at Mark Navales sa Mindanao)

No comments: