MANILA (Mindanao Examiner / 08 Mar) – Buo pa rin umano ang tiwala ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Moro Islamic Liberation Front (MILF) at sa magiging tagumpay ng usapang pangkapayapaan sa harap ng pinakahuling sagupaan ng magkabilang panig.
Ipinahayag kanina ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro, binibigyang-importansya at respeto pa rin ng militar ang hangarin ng MILF na maisara ang peace agreement sa gobyerno.
Inaangkin ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na ang MILF fighters ang unang umatake sa mga sundalo sa Midsayap, Cotabato kung kayat sumiklab ang sagupaan na nagresulta ng 17 patay na rebelde at isang militar.
Itinuro naman ni MILF spokesman Eid Kabalu ang tropa ng pamahalaan na unang sumalakay sa mga kasamahang gerilya. "The Armed Forces of the Philippines (AFP) really puts primacy sa ongoing peace negotiations with them," ani Bacarro sa pahayagang Mindanao Examiner.
Ayaw ring pagdudahan ng AFP ang sinseridad ng MILF na maitaguyod ang tunay na kapayapaan sa Mindanao. May proseso naman aniyang sinusunod sa anumang matutukoy na paglabag sa umiiral na ceasefire agreement na pinaniniwalaang hindi rin makakaapekto sa pagpupursige ng peace talks. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment