MANILA (Mindanao Examiner / 06 Mar) - INAMIN kanina ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na bahagi ng Oplan Bantay Laya-Part 2 ang pagpapakalat nito ng mga sundalo sa Metro Manila.
Kasabay nito'y nagsisilbing training ground ang ilang slum areas sa Kalakhang Maynila ng mga batang opisyal na inihahanda sa foreign deployment para sa peace keeping missions o field assignment.
Sinabi ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na naaayon pa rin sa layunin ng pamahalaan na sugpuin ang insureksyon sa bansa ang military deployment nito na nakatutok lamang sa pagpapaunlad ng komunidad o civil military operations (CMO).
"Karamihan ng mga nandito, mga 2nd Lieutenant, bagong tinyente ito, while waiting for their deployment they are undergoing training, basically yung training dito ay ang tinatawag nating CODE training, yung community development," ani Bacarro.
Sa ngayon aniya, wala pa namang natatanggap na ulat ang AFP hinggil sa anumang pag-abuso ng kanilang mga sundalong kumikilos sa Metro Manila. Tinitiyak rin ni Bacarro na hindi naman pangungunahan ng militar ang Philippine National Police (PNP) sa anti-crime operations at hindi kikilos hanggat walang koordinasyon.
Itinuturing pa ng opisyal na peke ang mga video na nagpapakita ng pagbabahay-bahay ng mga sundalo upang ikampanya ang hindi pagsuporta sa mga partylist. Idinagdag ni Bacarro na mananagot ang sinumang sundalo sa paglabag sa Omnibus Election Code at memorandum of agreement bukod pa sa Articles of War kung mapatutunayang nasasangkot sa partisan politics.
Wala pang balak ang AFP na iatras o i-pull ang mga sundalo sa Metro Manila kahit na dumating ang araw ng eleksyon. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment