Wednesday, March 07, 2007

NPA Leader Todas, 3 Timbog Sa Opensiba Ng Militar

MANILA (Mindanao Examiner / 07 Mar) – Napatay ng militar ang isang itinuturing na lider ng New People's Army habang tatlo namang komunista ang nadakip sa magkakahiwalay na operasyon sa Albay, Lanao del Norte at Masbate.

Nabatid kay Army spokesman Major Ernesto Torres, Jr. na dakong alas-3 ng hapon kamakalawa nang mapatumba sa engkuwentro sa pagitan ng 65th Infantry Battalion at mga rebelde sa Sitio Bayang, Barangay Tastas, Ligao City, Albay si Elmer Arevalo alyas Ryan, kumander ng Albay Probinsyang Yunit Gerilya (PYG).

Tinatayang 15 gerilya ang nakasagupa ng militar na tumagal ng 30 minutong bakbakan bago umatras ang mga ito sa hindi natukoy na direksyon. Narekober sa lugar ng insidente ang isang M16 rifle, isang M653 rifle, iba pang war materials at subersibong dokumento.

Wala namang naiulat na nasawi o sugatan sa panig ng tropa ng pamahalaan.

Samantala, isang rebeldeng nakilalang si Bergelia Baran Y Aballe ang nadakip ng pinagsanib-puwersa ng 5th at 32nd Infantry Battalions sa Brgy. San Isidro, Kapatagan, Lanao del Norte.

Si Baran ay ang finance officer ng Sentro De Grabidad 1, Regional Operational Command (ROC), Western Mindanao Regional Party Committee (WMRPC).

Dalawang NPA naman ang nasakote ng 2nd Infantry Battalion sa Sitio Syndicate, Brgy. Siwayan, Aroroy, Masbate.

Natukoy ang mga ito na sina Flores Sese at Dimas Manlapaz, at nakuha mula sa mga ito ang isang Ingram machine pistol, isang caliber .38 revolver at binocular. (Juley Reyes)

No comments: