Wednesday, March 21, 2007

Pinas, Tumanggap Ng CBRN Protective Suits Mula Sa Canada

MANILA (Mindanao Examiner / 21 Mar) – Tatlong daang protective suits laban sa chemical, biological, radiological, at nuclear (CBRN) attacks na nagkakahalagang halos tatlong-daang Canadian dollars ang ibinigay ng dayuhang bansa sa mga awtoridad ng Pilipinas.
Gayunman, nilinaw ni Defense Secretary Hermogenes Ebdane Jr., na walang maituturing na banta ng pag-atakeng nukleyar bagamat ang pinakahuling nuclear tests sa North Korea at Pakistan ay dapat magsilbing wake-up call sa lahat ng bansa upang maghanda.

Nilagdaan na ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng Tanggulang Pambansa at ni Canadian Ambassador to the Philippines Peter Sutherland kaakibat ng turn-over ng mga protective suit na C$274,000.

Sasanayin rin ng Canadian authorities ang mga sundalong pinoy, pulis buhat sa Special Action Force (SAF) at mga bumbero sa paggamit ng nasabing CBRN equipment. Katwiran ni Ebdane, mas makabubuti na aniyang may nakaimbak na gamit panlaban sa nuclear attack ang bansa kaysa sa wala.

"It's ironic, we are turning this over to you but we sincerely hope you never have to use it. It's like an insurance policy," hirit naman ni Sutherland.

Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nakatanggap ang Pilipinas ng nuclear protective suits na mag-e-expire sa loob ng limang taon. (Juley Reyes)

No comments: