MANILA (Mindanao Examiner / 21 Mar) – Maituturing umanong bulag, pipi at bingi si United Nations special rapporteur Philip Alston habang walang tigil ang mga opisyal ng pamahalaang Arroyo na batikusin ito dahil sa kanyang pagkakaugnay sa militar sa patuloy na extrajudicial killings sa bansa.
Ipinahayag ito ngayon ni Defense Secretary Hermogenes Ebdane sa paniniwalang hindi rin papansinin ni Alston ang paglutang bilang mga buhay ng dalawang sinasabing biktima ng political killings base sa listahan ng grupong Karapatan.
Wala aniya silang magagawa kung sarado na rin ang utak ng international community at ni Alston sa rekord at akusasyon ng mga militanteng grupo sa bansa.
"Ayaw pansinin ni Alston yun (listahan). Pagka-ganun ang pinapabigay mo kay Alston, ano sya, bulag, pupi, bingi. Wala tayong magagawa," ani Ebdane.
Binanggit nito na nagbago rin ang paniniwala ngayon sa international community, ang isang tao aniya ay idedeklarang guilty hanggat hindi napapatunayang inosente.
Samantala, naniniwala si Ebdane na hindi naging epektibo ang propaganda ng mga maka-kaliwang grupo matapos na iabswelto ng Commission on Human Rights (CHR) si retired Major General Jovito Palparan at ang kanyang mga dating tauhan hinggil sa political killings. Gayunman, hindi pa nababasa ni Ebdane ang report ng CHR.
Sinabi naman ni Defense Undersecretary at department spokesman Ernesto Carolina na hindi nito pinagdudahan si Palparan sa harap ng kaliwat-kanang pagdidiin sa kanya.
"We never doubted General Palparan… Has he not retired, he would still be serving now in the same area," ani Carolina.
Una nang inulan ng paratang si Palparan hingil sa paglabag sa karapatang pantao mula sa kanyang pagiging lider ng militar sa Mindoro, sa Eastern Visayas hanggang bilang kumander ng 7th Infantry Division sa Central Luzon.
Kaliwa’t-kanan kung tirahin sa Alston dahil sa kanyang pahayag, ngunit hindi naman mababago ng mga batikos ang kanyang finding ng magtungo sa bansa nuong upang imbestigahan ang political killings sa Pilipinas. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment