MANILA (Mindanao Examiner / 16 Mar) – Aminado ang Department of National Defense (DND) na walang buong kontrol ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa seguridad ng bansa sa harap ng mga insidente ng extrajudicial killings.
Sinabi ni Defense Secretary Hermogenes Ebdane Jr. na hindi matitigil ang mga political killing hanggat hindi napuputol ang summary executions ng New People's Army (NPA) sa sariling mga miyembro na pinagdududahang espiya ng pamahalaan.
Sagot rin ito ng kalihim sa pahayag ni US Deputy Assistant Secretary of State Eric John na hindi sapat ang hakbang ng mga awtoridad ng Pilipinas upang matuldukan ang mga pagpatay na umakyat na sa 800 batay sa rekord ng grupong Karapatan.
"There is a constant effort to stop this. Pero hindi naman natin kontrolado lahat ng sitwasyon," katwiran ni Ebdane.
Ipinunto pa ni Ebdane na hindi naman makokontrol ng militar ang mga pagpaslang sa mismong hanay ng mga komunista.
"Can we control the other side on these killings? We are doing everything within our capability, but on things that are beyond our control, we can't do anything," ani Ebdane."Maybe we should engage them [rebels] so they could not perpetrate these [killings]," dagdag ng kalihim.
Bukod sa pagbuo ng human rights office sa AFP, naglagay rin ang militar ng mga checkpoint sa mga lugar na talamak ang pangingikil ng mga gerilya.
Samantala, inatasan ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr. ang mga field commanders nito na tiyakin ang suporta sa mga impormante laban sa mga komunista sa bansa.
Ayon kay Esperon, higit na makakahikayat ng tiwala ng publiko para ilaglag ang mga rebelde sa kanilang lugar kung matitiyak ng mga ito na sila ay protektado ng militar.
Aminado ang heneral na isa sa nakapagpapatagal rin sa pagresolba ng mga insidente ng extrajudicial killings ay ang pag-aalinlangan ng mga testigo na magsalita at sa takot na balikan ng mga komunista.
"I have directed my commanders on the field to take further measures to protest the civilians, especially those who have given information [to the military] so the NPA will not harm them," ani Esperon. (Juley Reyes)
1 comment:
It is very hard to take control. You can not keep an eye on all the people at all times (24/7). You can only try the very best. That's all.
Post a Comment