Sunday, March 11, 2007

Siargao Island, Kinakatakutan Na!

CAGAYAN DE ORO CITY (Mindanao Examiner / 11 Mar) – Nangangamba ngayon ang maraming mga turista sa island resort ng Siargao sa lalawigan ng Surigao del Norte matapos na mapatay doon ang isang Italyano.

Dalawang suspek ang nadakip na ng mga awtoridad, ngunit dalawang iba pa ang kasalukuyang pinaghahanap sa pagpatay kay Paolo Tommaso Scarpa, 55.

Natagpuan nuong nakaraang lingo ng mga residente ang nabubulok na bangkay ni Scarpa sa labas ng kanyang beach house. Pinatay umano ang dayuhan matapos itong looban sa kanyang bahay.

Kalat na kalat ang balita sa lalawigan at ito’y nakadulot na ng matinding takot sa maraming turistang nagtutungo sa Siargao. Paborito ang Siargao ng mga dayuhan dahil sa magandang mga beach resorts at karagatang kinahuhumalingan dahil sa naglalakihang surf nito.

Hindi naman sinabi ng pulisya kung ano ang negosyo ni Scarpa, subalit mahigit sa 2 taon na umano itong nakatira sa Siargao. Napamahal umano sa dayuhan ang Siargao ang mga Pinoy kung kaya’t doon ito nagpasyang manirahan.

Humiling naman ang mga residente sa awtoridad na pangalagaan ang kaligtasan ng mga dayuhan dahil malaking tulong sa lokal na ekonomiya ang turismo. (Mindanao Examiner)

No comments: