Friday, March 02, 2007

Trak, Nahulog Sa Bangin, 4 Patay!

MANILA (Mindanao Examiner / 02 May) - APAT na katao ang nasawi habang 15 iba pa ang sugatan kasunod ng pagkahulog ng isang trak sa bangin sa lalawigan ng Negros Oriental.

Sa ulat na nakarating kanina sa Office of the Civil Defense (OCD) ay nabatid na dakong alas-3:30 ng hapon kamakalawa naganap ang aksidente. Binabagtas umano ng trak na pinaglululanan ng mga hayop ang bayan ng Mabinay ng maganap ang trahedya.

Nawalan umano ng kontrol ang drayber ng trak nang hindi gumana ang preno nito hanggang sa mahulog sa bangin.

Kabilang sa mga nasawi ay sina Ernesto Berwelo, isang lalaki na may alias na Joel, at mag-amang hindi pa nakikilala.

Sugatan naman sina Jerry Gabaran, Jimmy Bongdio, Reynan Berwelo, Alfredo Klavil, Leo Zion Gomez, Joseph Hornos, Vivencio Geroven habang isinugod sa Negros Oriental sina Joel at Junjun Presbisado, Evangeline at Oliver Yulon, Felipe Maximo, Berting Fuentes, at Lanie Lara.

Bukod sa mga pasahero, sakay ng naturang trak na minamaneho ni Eliseo Manares, ang 15 baka at kalabaw at limang kabayo. Hindi naman mabatid kung nakaligtas ang mga hayop. (Juley Reyes)

No comments: