Monday, March 12, 2007

Turuan, Sisihan Sa COMELEC Fire!

MANILA (Midnanao Examiner / 12 Mar) – Itinanggi kanina ng Philippine Marine Corps na naging iresponsable ito sa pagbabantay sa punong tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) kasunod ng naganap na sunog.

Katwiran ni Marines spokesman Lieutenant Colonel Ariel Caculitan, wala silang unit deployment bago pa man napagtibay ang memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Comelec at Department of National Defense (DND) noong Oktubre ng nakalipas na taon na naglilimita ng papel ng Armed Forces of the Philippines (AFP) tuwing halalan.

Isinisisi ng Bureau of Fire sa Marines ang paglaganap ng apoy dahil hindi umano agad nakatawag sa telepono ang mga sundalong nagbabantay sa gusali.

Subalit, ayon kay Caculitan ay matagal na aniyang nai-pull out mula pa noong 2002 ang kanilang puwersa sa Comelec at wala ring kahilingan upang magtalaga ng mga tauhan sa tanggapan para ngayong panahong eleksyon.

"Seasonal ang pagkuha ng Comelec ng tropa ng Marines para i-secure ang main office, pero sa ngayon, wala silang request," ani Caculitan.

"Paano kami masisisi dyan eh wala naman kaming itinalagang Marine security sa Comelec?" dagdag pa ng opisyal.

Hindi rin mag-iimbestiga ang Marines sa mga tauhan nito kung nagkaroon ng kapabayaan o pananabotahe dahil naniniwala itong hindi na nakikialam ang kanilang institusyon sa seguridad ng Comelec.

Una nang pinalulutang na "iniwanan" ng Marines ang posisyon sa Comelec kung kayat hindi agad naipabatid ang naganap na sunog.

Inabot pa ng labing-limang minuto bago naialarma sa Bureau of Fire Protection (BFP) ang sunog na halos tumupok sa main office ng Comelec. Kasalanan umano ng BFP kung bakit kumalat ang apoy dahil mabagal ang naging responde nito sa sunog. (Juley Reyes)

No comments: