MANILA (Mindanao Examiner / 01 Mar) Tanggap ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. ang paghingi ng tawad ni Army Scout Ranger Captain Dante Langkit na dawit sa planong kudeta laban sa administrasyong Arroyo noong Pebrero ng nakalipas na taon.
Subalit ayon kay Esperon, bagamat mauunawaan nito ang pagkakamali ni Langkit na minsang naging malapit na tauhan niya, kailangan pa ring umiral ang hustisya ng militar sa kinakaharap na kaso ng batang opisyal.
Samantala, pag-aaralan pa rin ni Esperon ang legal na implikasyon ng hirit ni Langkit na makapangampanya sa hangarin nitong kumandidatong kongresista sa lone district ng Kalinga.
Depende aniya sa magiging takbo ng mga kaso nito sa special General Court Martial kung mapahihintulutang lumabas ng piitan at makapaglibot sa kanyang lalawigan.
Pinapurihan ni Esperon si Langkit bilang isang magaling na opisyal ngunit agad na kumabig ang heneral na aniya'y hindi nito iniendorso ang junior officer.
Kinatwiranan naman ng AFP Chief ang paghiwalay ng kulungan ni Langkit sa iba pang opisyal ng Scout Rangers na dawit sa coup plot at nakakulong sa Camp Capinpin, Tanay, Rizal.
Si Langkit ay nananatili pa ring nakakulong sa Custodial Management Unit sa Fort Bonifacio.
Hindi aniya maituturing na security risk si Langkit kundi iniiwasan lamang na madikit ito o magkaroon ng physical contact sa ibang opisyal na maaaring bigyan ng negatibong kahulugan ang hakbang na humingi ng paumanhin sa AFP leadership.
May ilan aniyang hindi nauunawaan ang naging personal na relasyon niya kay Langkit at magkaroon ng misinterpretasyon."Since there was the letter so that might be taken against him by some people who do not see the aspect of our personal relations," ani Esperon.
Mariing itinanggi naman ni Esperon na iniendorso nito ang isang nakakulong na coup plotter na nais tumakbo sa Kongreso.
Ngunit, naniniwala si Esperon na magiging magaling na public servant si Army Captain Dante Langkit sakaling mabigyan ito ng pagkakataon na mailusot ang ambisyon sa pulitika. "He (Langkit) has good, he has a big heart for public service, sundalo yan," ani Esperon sa Mindanao Examiner.
Balak ni Langkit na sumabak sa pulitika at katulad ng kasamahang si Antonio Trillanes na sumabak naman sa senatorial race sa ilalin ng Genuine Opposition party.
Aminado ang AFP Chief na hindi nito mapigilan ang sarili na purihin si Langkit bagamat ikinalulungkot ang pagkakaligaw nito ng landas nang masangkot sa planong destabilisasyon.
Isa si Langkit sa dawit sa Oplan Gemstone na nagbabalak na salakayin ang headquarters ng Philippine Army sa Fort Bonifacio.
Ikinukonsidera rin ni Esperon na isang "prodigal son" si Langkit na dating naging operations officer nito sa Special Operations Command (SOCOM) ng Philippine Army. "I'm not endorsing anybody here. If he is indeed qualified then why not, I can even wish him luck in all his undertakings but I must repeat that I'm not endorsing anybody," hirit ng heneral. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment