Tuesday, April 03, 2007

Isa Pang NPA Mass Grave, Nahukay Sa Leyte

MANILA (Mindanao Examiner / 03 Apr) – Titatayang labing-tatlong mga kalansay ng mga hinihinalang biktima ng summary killings ng Communist Party of the Philippines-New People's Army (CPP-NPA) ang nahukay ng militar sa Hilongos, Leyte.

Nabatid kay Lieutenant Colonel Mario Lacurom, commander ng 43rd Infantry Battalion ng Philippine Army, na umaabot sa 28 ang nailibing sa naturang mass grave na nadiskubre sa Sitio Mahangin, San Antonio sa naturang lalawigan.

Sinimulan ng militar ang paghuhukay mula pa noong Biyernes at patuloy pa ring isinasagawa ito sa paniniwalang marami pa ang madidiskubreng biktima ng purging activities ng CPP-NPA.

Ito na ang ikalawang mass grave na natagpuan ng militar kung saan ibinabaon umano ng mga rebelde ang kapwa-komunistang pinagsuspetsahang espiya ng pamahalaan.

Noong Agosto ay umaabot sa 67 kalansay ang nakuha sa mass grave natinawag na "The Garden" sa Inopacan, Leyte. Mismong ang mga sumukong gerilya ang nagturo sa lugar na pinaglibingan ng mga biktima ng pagpatay ng komunistang grupo.

Samantala, dalawang amasona ang naaresto ng mga tauhan ng 36th Infantry Battalion habang nagpapatrulya sa Sitio Away, San Andres, Bunawan, Agusan del Sur.

Nakilala ang mga ito na sina Juvy Salundagit alias Aira, 20 anyos at Cresonil Revil alias Inday, 22, pawang mga miyembro ng NPA's Front Committee 14, North Eastern Mindanao Regional Committee (NEMRC).

Tatlong abandonadong kampo ng NPA naman ang nadiskubre ng 50th at 41stInfantry Battalion sa magkakahiwalay na insidente sa Abra. (Juley Reyes)

No comments: