Tuesday, April 03, 2007

Metro Soldiers, Retreat Na!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 03 Apr) – Tuluyan ng bumigay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kaliwa’t-kanan balitikos ng mga militanteng grupo dahil sa deployment ng mga sundalo sa Metro Manila.

Aalisin na umano ng militar ang mga tropang nakakalat sa Metro, subali’t humirit pa ang AFP na pansamantala lamang ito at ibabalik muli ang mga sundalo matapos ang halalan. Naunang tinaningan ng Malakanyang ang AFP sa pagpull-out ng mga tropa nito sa Metro dahil mistulang garison na ang kalakhang Maynila.

Iiwas muna sa init ng eleksyon ang mga sundalo kung kayat pansamantalang aalisin ng AFP ang puwersa nito sa Kalakhang Maynila. Subali’t isang sundalo na ang pinatay ng mga di-kilalang armado sa Tondo kamakailan lamang.

Kasabay nito, umaasa ngayon si AFP National Capital Region Command (NCRCom) Chief Major General Mohammad Dolorfino na ang insidente ng pagpaslang sa isang sundalo ay magsilbing panggising sa mga makakaliwang grupo at kritiko ng troop deployment.

"I hope they will be enlightened on the sincerity of our soldiers in helping our depressed communities. I hope they will not let their crab mentality prevail," punto ng heneral.

Bagamat wala pang ispesipikong petsa, sinabi ni Dolorfino na isasagawa ang 'total pullout' ng mga sundalo bago ang araw ng halalan. Babalik ang militar sa Metro Manila matapos ang refresher training kaugnay sa civil military operations.

Ikinatwiran pa ni Dolorfino na ang temporary pullout ay sa layunin ring maalis ang pagdududa na makikisangkot ang AFP sa anumang iregularidad sa eleksyon tulad nang naganap noong 2004.

"What we are planning to do is refresher training, conduct a critique of what we have observed during the deployment prior to redeployment in the same community because our work is not finished. The projects we have I mind are long-term," ani Dolorfino. (Juley Reyes)

No comments: