Thursday, May 03, 2007

AFP Walang Kinalaman Sa Burgos Case, Aquino Spying: Esperon

MANILA – Mariin ang pagpalag ngayon ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. sa pagtatrato sa militar bilang suspek sa pagkawala ng anak ng publisher na si Jonas Burgos.

Kasabay nito ang depensa ni Esperon sa nabigong pagharap nina Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) Chief Major General Delfin Banguit at AFP Deputy Chief of Staff for Intelligence Commodore Leonardo Calderon sa pagdinig ng Commission on Human Rights (CHR) kanina.

Iginiit ng heneral na maling idiin ang AFP sa naturang insidente gayung kahit na gisahin pa sila ay hindi rin ito makakatulong para mapalutang ang batang Burgos.

"I do not think that is the correct way of putting things, we can certainly help by looking into the matter and probably gather more information, but it would be off tangent to be alleging that the military is the suspect," ani Esperon sa pahayagang Mindanao Examiner.

"I don't think we can contribute to the solution of the problem by being called and grilled and appear, and look like suspects," dagdag nito.

Bukod dito, ikinatwiran ni Esperon na wala ring ipinadalang pormal na imbitasyon ang CHR sa AFP at hindi rin nakipag-ugnayan sa CHR office sa militar.

Naninindigan ang AFP Chief na walang kinalaman ang militar sa nangyari kay Burgos dahil hindi ito ang uri ng operasyon na kanilang isinasakatuparan.

Ibinintang rin sa AFP ang umano’y pange-espiya sa dating Pangulong Corazon Aquino matapos na matagpuan ang isang bugging device sa linya ng telepono nito sa labas lamang ng kanilang bahay sa Quezon City.

Bagamat inamin ni AFP Public Information Office (PIO) Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na may kapabilidad ang militar na magsagawa ng surveillance operations, hindi nito pag-aaksayahan ng panahon na ilegal na tiktikan ang dating Presidente.

Maaaring kagagawan aniya ng ibang grupo na may sariling interes ang naturang hakbang.

Sinabi ni Bacarro na may basbas o kautusan ng hukuman sakaling magsagawa man ng paniniktik ang AFP.

"Definitely there are court orders allowing us to do that then we will do that, but of course ma-satisfy 'yung requirements, justified kung ano purpose ng paggamit nang ganung capability," ani Bacarro.

Naniniwala si Bacarro na sa kasalukuyang makabagong teknolohiya, simple na lang at madaling isakatuparan ang wiretapping.

"If you get another telephone, attach it to the line, anybody can do it, you can use another telephone as a listening device, it's just parang extension, ganun ang concept nun," ani Bacarro.

Gayunman, walang balak ang AFP na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa nadiskubreng wiretapping device sa mga Aquino.

Inaasahan na rin ng militar na palagiang mapagbintangan ang AFP bilang suspek sa paniniktik.
"Some groups will take advantage of hitting the Armed Forces of the Philippines again, we would be the easiest excuse or the way out definitely merong mga pointing fingers na naman dyan," dagdag ng opisyal. (Juley Reyes)

No comments: