Thursday, May 10, 2007

Bayan Muna Congressman, Isinabit Sa Kaso!

MANILA (Mindanao Examiner / 10 May) – Nakahanda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na tulungan ang Philippine National Police (PNP) sa paglalatag ng mga ebidensya hinggil sa diumano'y pagkakanlong ni Bayan Muna Rep. Teddy Casino sa isang hinihinalang rebelde at kriminal.

Nabatid kay Army Spokesman Lieutenant Colonel Ernesto Torres, Jr. na kinasuhan na ng Philippine National Police sa Leyte si Casino at ang isang Teodoro Dacera ng obstruction of apprehension and prosecution of criminal offenders o ang PD 1892 sa Ormoc City Prosecutor's Office.
Magunitang kasama ni Casino ang isang sinasabing lider ng New People's Army (NPA) na si Vincent Borja nang isilbi ang warrant of arrest laban dito bunsod ng mga diumano’y kaso ng pagpatay, rebelyon at attempted destruction of property.
Iginiit umano ni Casino na mapalaya si Borja dahil isa lamang itong tagasuporta ng kanilang party list group. Binansagan umanong “high profile” ni Casino si Borja.
Dinampot ng magkasanib na puwersa ng 19th Infantry Battalion at Ormoc City Police Office ang naturang suspek sa bahay ni Dacera habang nagsasagawa ng campaign staff meeting kasama si Casino.
Positibo ang militar na aktibong miyembro ng NPA si Borja at ito ay batay na rin sa rekord na hawak ng militar at pulisya.
Sinabi naman ni AFP Chief of Staff General Hermogenes ESperon, Jr. na naturang lamang na itanggi ni Casino na hindi kriminal o rebelde si Borja sapagkat huling-huli ito sa aktong magkasama sila.
Unang nagbanta si Casino na sasampahan ng kaso ang mga arresting teams dahil ilegal umano ang pagkakaaresto kay Borja. Itinanggi ni Casino na rebelde ang naturang campaigner ng militanteng Bayan Muna. (Juley Reyes)

No comments: