Thursday, May 10, 2007

Sundalo, Tigok Sa Labanan sa Negros

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 10 May) – Isang sundalo ang napatay at tatlong iba pa ang sugatan matapos na makipagsagupaan ang mga ito kaninang umaga sa rebeldeng New People's Army sa lalawigan ng Negros Occidental.

Sinabi ni Army spokesman Lieutenant Colonel Ernesto Torres, Jr. na bandang alas-6:15 ng umaga nang tambangan ng mga rebelde ang tropa ng army reconnaissance company sa Barangay Pinapugasan sa lungsod ng Escalante.
Lulan ng isang multi-cab ang mga sundalo patungong barangay proper buhat sa kampo ng mga ito nang salakayin ng tinatayang 30 armadong rebelde.
Tumagal nang 20 minuto ang bakbakan at naiwan ang mga napatay at sugatang sundalo na hindi muna isinapubliko ang mga pangalan hanggat hindi naipababatid sa mga kaanak nito.
Samantala, narekober naman ng mga tauhan ng 79th Infantry Battalion ang sampung baril, dalawang hand grenade at dalawang motorsiklo sa magkahiwalay na insidente sa Iloilo.
Bandang alas-6 ng umaga nang unang masamsam ng mga sundalo ang limang M16 rifles, isang M14, isang shotgun, at mga bala habang nagpapatrulya sa Sitio Basehan, Barangay Nadsadan sa bayan ng San Joaquin.

Kumilos ang militar kasunod ng impormasyon na ipinasa ng mga residente hinggil sa presensya ng mga armadong rebelde sa bahay ng isang Mando Sialongo.

Sumunod namang nakuha dakong alas-8:30 ng umaga ang dalawang kalibre 30, M1 carbine, shotgun, 2 hand grenade at motor sa Barangay Caraudan sa bayan ng Janiuay sa naturang lalawigan. (Juley Reyes)

No comments: