MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / 06 May) – Matapos na sisihin ng Philippine Air Force ang isang saranggola sa pagbagsak ng kanilang UH-1H chopper sa Cebu province ay inanunsyo naman ng militar na tatanggap ito ng 11 helicopters mula sa Estados Unidos.
Bahagi umano ito ng suporta ng Estados Unidos sa militar, ngunit nabatid na pulos segunda-mano rin ang mga copters na darating ngayon buwan.
Hindi naman sinabi kung anong uri ng choppers ang ibibigay ng Estados Unidos, subalit sa mga nakalipas na ipinadala nito ay UH-1H rin na gamit noon sa Vietnam War.
Bahagi ang donasyon sa military assistance package ng pamahalaang Bush sa Pilipinas, na kilalang ally nito sa global war of terror. Ngunit mistulang imbakan lamang ng mga military hardware ang Pinas sa mga ibinibigay ng mga Kano.
Nais kasing makakuha ang Pinas ng mga modernong eroplano at patrol boats na kailangan sa anti-insurgency campaign sa bansa.
Sa kabila ng lahat ay tuwang-tuwa naman ang Philippine Air Force sa ibibigay ng Estados Unidos at dagdag umano ito sa mga bulok na fleet ng eroplano at choppers ng bansa.
Bumagsak ang UH-1H chopper nito sa Lapu-Lapu City nuong nakaraang buwan at 9 na katao ang nasawi ng madaganan nito ang dalawang tricycle sa mataong lugar.
Nasa isang training flight ang chopper ng ito’y bumagsak. Nakita umano sa tail rotor nito ang isang nylon na gamit sa saranggola at ito ang naging basehan ng Philippine Air Force sa kanilang ulat na saranggola ang may sala sa nasabing trahedya. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment