Sunday, May 06, 2007

Manny Pacquiao Napatay Raw Sa Ambush! Propaganda o Paninira?

GENERAL SANTOS (Mindanao Examiner / 06 May) – Kalat sa Mindanao ang ulat na napatay diumano sa isang ambush si boxing superstar Manny Pacquiao at halos nagkagulo ang mga media sa balitang kumalat sa text messages.

Napaslang umano si Pacquiao habang nangangampanya sa South Cotabato at hanggang kahapon ay mainiti pa rin ang balita at unang pumasok sa isipan ng marami ay ang intelligence report na may P100 milyong ang umano’y inilaan sa pagpatay kay Pacquiao ng kanyang katungali.

Subalit ang balitang napatay si Pacquiao ay pinabulaanan mismo ng kampo ng boxer.

"Nagtitiwala ako sa mahal na Panginoon, hindi niya ako pababayaan. Di ako natatakot sa kanila. Ipagdadasal ko sila sana mararamdaman nila ang pagmamahal sa bawa't isa,” ani Pacquiao sa himpilang dzBB sa Maynila.

Sinisi naman ni Pacquiao ang kanyang katungali sa kumakalat ng text messages. Si South Cotabato Rep. Darlene Custodio ang kalaban ni Pacquiao sa pagka-kongresista sa lalawigan.

Ngunit duda naman ang karamihan sa mga taga-General Santos at sinasabing maaaring palabas lamang ng mga supporters ni Pacquiao ang balita upang ito’y mapag-usapan ng media.

Bumubulusok pababa ang kasikatan ni Pacquiao sa South Cotabato dahil sa mga paratang nito kay Custodio, na kinakapatid pa ng boxer. Si Custodio ang umano’y nagpapapatay kay Pacquiao, ayon sa intelligence report. Itinanggi naman ito ni Custodio at maging ang publiko ay hindi rin kinagat ang naturang ulat.

Sa militar, ang intelligence report ay siyang may pinakamababang kredibilidad at lahat ng ito ay dapat pinagaaralan ng husto at hindi ibinubunyag sa publiko.

Marami sa mga intelligence report ay pawang mga napupulot na impormasyon mula sa mga ibat-ibang sources – palengke, barberya at iba ay iniimbento lamang upang may mailabas na impormasyon ukol sa isang target.

Ang ibang intelligence report naman ay iniimbento lamang kapalit ng salapi. Malimit rin itong gamitin bilang alibi sa isang operasyon. (Mindanao Examiner)

No comments: