Tuesday, May 22, 2007

Philippine Navy, Hindi Pa Rin Bilib Kay Trillanes!

MANILA (Mindanao Examiner / 22 May) – Hindi bilib ang liderato ng Hukbong Pandagat kay dating Navy Lieutenant Seniorgrade Antonio Trillanes IV kahit na manalo ito sa kanyang kandidatura bilang senador.

Kasabay nito, sinabi ni Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Rogelio Calunsag na mali ang naging hakbang ni Trillanes na pangunahan ang nabigong kudeta noong Hulyo 2003 para lang igiit ang pagbabago sa sistema ng pamahalaan.

"If you have many grievances, if you don't like the system, you get out of the system. You don't stage a mutiny," ani Calunsag.

Gayunman, ang anumang maging resulta aniya ng eleksyon at kung maipanalo ni Trillanes, irerespeto ng militar sa paniniwalaang ito ang sumasalalim sa hangarin ng taumbayan.

Ipinaalala pa ni Calunsag kay Trillanes na ang serbisyong militar ay nakasandig sa tunay na disiplina na tila nakalimutan ng batang opisyal nang maglunsad ito ng pagrerebelde.

Nagbabala rin si Calunsag sa sinumang nagnanais na gayahin ang ginawa ng grupo ni Trillanes na mananagot sa batas ng militar kung lalabag.

Kinakailangan aniyang maging mahigpit ang militar sa mga pasaway na miyembro nito upang hindi na ulitin.

"Our approach is we throw the books at them so that other people will not follow. We have to be strict. If you let them off by just talking to them, they will do it again," diin ni Calunsag.

Sa pinakahuling canvassing ng Commission on Elections, nasa ikalabing-apat na posisyon si Trillanes na may botong 5,038,205. Subalit sa ibang independent canvassing ay ika-sampu na ito. (Juley Reyes)

No comments: