QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 22 May) – Nagpahiwatig ngayon ang liderato ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng posibilidad na maibalik ang mga sundalong una nang ipinakalat sa Kalakhang Maynila.
Tinukoy ni AFP Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr., ang mga proyekto sa mga barangay tulad ng light engineering projects na mahalagang matapos dahil nabitin ito sa pagdaan ng May 14 elections.
Malaking bagay rin aniya ang pagkilos ng mga sundalo laban sa maaaring pag-atake ng ng mga nalalabing miyembro ng terrorist sleeper cell sa Metro Manila bukod pa sa pagpupumilit na makapasok ng New People's Army (NPA) sa mga mahihirap na barangay at unibersidad.
Gayunman, sinabi ni Esperon na kailangan pa ring magsagawa ng pag-aaral o ebalwasyon sa naunang operasyon ng AFP National Capital Region Command sa komunidad.
Kasabay nito, mahigpit ring tutukan ng militar ang seguridad sa mga kolehiyo at unibersidad sa harap ng sinasabing pang-iimpluwensya ng mga rebelde sa student councils at organizations.
Ayaw pang tukuyin ni Esperon ang mga paaralang pinaghihinalaang napasok ng mga rebeldeng ideyolohiya ngunit nakikipag-ugnayan na rin ito sa mga school official para sa kaukulang seguridad.
Hindi na rin naman aniya kakailanganin ang deployment ng sundalo sa mga unibersidad dahil pakikilusin na rin ang mga reserved officer training corps (ROTC).
Ipinunto ni Esperon na bagamat hindi nakakaalarma ang infiltration ng mga komunista sa mga paaralan, kailangan pa ring alertado ang mga awtoridad. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment