Tuesday, June 12, 2007

AFP Dedma Lang Sa Mga Tropang Sumuporta Kay Trillanes!

MANILA (Mindanao Examiner / 12 Jun) – Dededmahin lamang umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga sundalong nakisimpatiya o bumuto kay failed coup leader Antonio Trillanes matapos amining gumawa ng isang survey ukol sa dating opisyal ng Navy.

Sinabi ni AFP spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na walang balak ang militar na gantihan ang mga tropang sumuporta sa senatorial bid ni Trillanes. Hindi rin ipahuhuli ng AFP ang mga sundalong lumahok sa nasabing survey at sabihing si Trillanes ang kanilang ibinoto sa nakaraang halalan.

Posibleng makaupo na si Trillanes dahil nasa ika-11 pa rin ito sa bilangan ng Commission on Elections at ibang poll watch groups.

Binigyang-diin pa ni Bacarro na hindi rin naman nasisindak o nababahala ang AFP sa pag-upo ni Trillanes.

"Hindi kami nasisindak. We have nothing to fear. We have nothing to worry about. Besides, Trillanes is a former member of the Armed Forces and he could help the institution thru legislation," ani Bacarro.

Ibang-iba ang pahayag nito ngayon kaysa mga nakaaraang bitiw ng mga salita. Tipong maamo na ang dating ni Bacarro.

Samantala, duda naman si Bacarro na may mga sundalo sa kanilang hanay ang hayagang tututol sa pag-upo ni Trillanes bilang senador.

Sinabi ni Bacarro na malinaw naman ang mandato ng taumbayan kay Trillanes nang iboto ito ng mayorya ng mga pinoy noong nakaraang halalan.

Tanggap na rin aniya ng AFP ang pagkapanalo ni Trillanes na pinaniniwalaan nitong magiging kaalyado rin ng institusyon. Maraming mga sundalo ang sumuporta kay Trillanes sa kabila ng mahigpit na pangangampanya ng AFP sa mga tropa na huwag itong iboto.

Isa si Trillanes sa mga nagtangkang pabagsakin ang pamahalaang Arroyo ng sakupin ng grupo nitong Magdalo ang Oakwood Premier Hotels sa Makati City ilang taon na ang nakalipas.

Corruption at state-sponsored terrorism ang naging batikos ng Magdalo Group sa pamahalaan. (Juley Reyes at Juan Magtanggol)

No comments: