MANILA (Mindanao Examiner / 14 Jun) – Pinupuntirya na naman ng militar ang Metro Manila sa kampanya nito kontra komunismo sa mga paaralan at unibersidad.
Binigyang-diin ngayon ni Armed Forces spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na layunin ng naturang “information campaign” na ibukas ang isipan ng mga estudyante sa panlilinlang ng rebeldeng New People's Army (NPA) upang pasukin at impluwesyahan ang mga paaralan.
Ang mga sundalo ang mismong magbibigay ng impormasyon sa mga mag-aaral hinggil sa taktika ng panghihikayat ng NPA sa kolehiyo at unibersidad.
Ikinatwiran ni Bacarro na tanggap naman ng mga opisyal ng unibersidad at naturang kampanya at ang mga ituturo ay hindi kahalintulad ng naunang isinagawa sa mga mahihirap na barangay sa Kalakhang Maynila.
May naunang impormasyon ang militar hinggil sa plano ng komunistang grupo na ma-infiltrate ang kalakhang Maynila bunsod na rin ng pagkatalo ng huli sa pinaigting na opensiba sa mga lalawigan.
Bagamat inaasahan na ang mga pagbatikos ng mga militanteng grupo sa nasabing hakbang ng Armed Forces, naninindigan si Bacarro sa hangarin ng institusyon na mapilayan ng husto ang operasyon ng mga rebelde.
Samantala, nasa proseso pa rin ng pag-aaral ang panukalang maibalik sa Metro region ang tropa ng mga sundalong pansamantalang inalis noong panahon ng eleksyon upang hindi mapagdududahang namumulitika. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment