MANILA (Mindanao Examiner / 03 Jun) – Malaki ang duda ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pag-aangkin ni Communist Party of the Philippines founding chairman Jose Ma. Sison na hindi na ito konektado sa rebeldeng New People’s Army (NPA) at sa sariling organisasyon.
Sinabi sa pahayagang Mindanao Examiner ni AFP spokesman Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na ipinahayag lamang ni Sison ang naturang pagdistansya sa CPP at NPA, gayun rin sa National Democratic Front of the Philippines upang protektahan ang sarili nito, ngunit matibay pa rin ang impormasyon ng militar na nananatil itong lider ng organisasyon.
"This was done to protect himself but basically what the information that we have on the ground is that he is still recognized as the top leader of the CPP-NPA," ani Bacarro.
Una nang inaangkin ni Sison na 29 na taon na siyang wala sa komunistang samahan ngunit sinabi ni Bacarro na may mga dokumento silang hawak na aktibo pa rin si Sison sa CPP-NPA.
Kahit aniya itinanggi ni Sison na siya ang nagpapakilalang "Armando Liwanag", naniniwala ang militar na kinikilalang lider ito ng mga gerilya at patuloy pa ring nagbibigay ng mga kautusan.
Kasabay nito, ipinauubaya na lamang ng AFP sa European Union kung tuluyang maihahanay sa mga terorista si Sison.Hinamon rin ni Bacarro si Sison kung talagang hindi na kabilang sa CPP-NPA ay kusa itong bumalik ng Pilipinas at harapin ang mga kaso. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment