Sunday, June 03, 2007

AFP At Navy, Hugas Kamay Sa Torture Sa Dinukot Na Pastor!

MANILA (Mindanao Examiner / 03 Jun) – Katulad ng inaasahan, mariing itinanggi ng Philippine Navy na pinahirapan at binugbog ng intelligence agents nito ang isang pastor ng United Church of Christ of the Philippines na si Berlin Guerrero na pinagbintangan miyembro ng rebeldeng New People’s Army.

Ang mouthpiece ng Armed Forces na si Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro ang mismong nagsabi na base sa inisyal na resulta ng pagsisiyasat ng Navy sa nasabing alegasyon ay hindi umano ginalaw ng mga sundalo ang pastor makaraang arestuhin ito sa bayan ng Binan sa lalawigan ng Laguna.

Ngunit mismong ang Philippine National Police ang nagsabing walang kinalaman ang ahensya sa alegsasyon ng pagpapahirap sa alagad ng Simbahan.

"The Philippine Navy denied subjecting Pastor Guererro to torture," ani Bacarro. Subalit, tiniyak ng opisyal na handa ang AFP na harapin ang anumang alegasyon ng paglabag sa karapatang pantao.

Inamin rin ng pastor na siya’y pinahirapan at pilit na pinaamin na isang lider ng NPA at isinabit rin ng mga awtoridad ito sa pamamaslang.

"If it is found out that there is torture committed or there is a breach committed by members of the Philippine Navy, this will be subject to sanction, administratively and criminally," dagdag ni Bacarro.

Naunang sinabi ng pamilya ng pastor na ito'y dinukot ng mga sundalo. Agad naman ipinasa ng Navy sa pulisya ang pastor matapos na mag-ingay ang UCCP at mga relihiyosong grupo sa ibang bansa ukol sa pagdukot sa biktima. (Juley Reyes)

No comments: