Wednesday, June 06, 2007

Ina Ng Nawawalang Aktibista, Di Nagpakita Sa Pulong!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 06 Jun) - Hindi nagpakita kanina ang ina ng nawawalang anak ng dating publisher at aktibistang si Jonas Burgos sa itinakdang pakikipagpulong nito kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr.

Umano'y naramdaman ni Mrs. Edith Burgos na gagamitin lamang siya nina Esperon at Executive Secretary Eduardo Ermita upang magkaroon ng publisidad na may pakikipagtulungan ang militar sa paghahanap sa batang Burgos.

Ang militar ang pangunahing pinagdududahan na dumukot kay Burgos at natunton rin sa isang kampo ng Philippine Army sa Norzagaray, Bulacan ang sasakyan na may nawawalang plaka at ginamit sa getaway vehicle sa biktima.

Si Jonas ay nagsisilbing consultant para sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

Subalit, sinabi ni Armed Forces Public Information Office Chief Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na dumating sa pulong ang tiyuhin at abogado ni Jonas ngunit nabigong makausap si Esperon dahil dumating ang mga ito ng dakong alas-10 ng umaga o isang oras nang nahuli sa usapan.

Si Colonel Daniel Lucero, ang executive assistant ni Esperon at ang hepe ng AFP Human Rights Office na si Colonel Benedicto Jose ang kumausap sa tiyuhin at abogado ng batang Burgos. (Juley Reyes)

No comments: