Wednesday, June 06, 2007

Magdalo Boys Papasok Sa Plea Bargain!

QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 06 Jun)m – Posibleng pumasok sa isang plea bargain ang halos 29 na mga opisyal ng militar na sabit sa nabigong coup laban sa pamahalaang Arroyo nuong 2003.

Kapalit naman ng plea bargain ang mas mababang hatol laban sa kanila, ngunit sinabi naman ng abogado nila na depende rin ito sa kung anong hatol ang ipapataw sa mga opisyal.

Nahaharap sa court martial ang mga opisyal na pawang kasamahan nina Navy lieutenant Antonio Trillanes IV at Marine Captain Nicanor Faeldon, dalawa sa mga lider ng Magdalo Group.
Parusang dishonorable dismissal sa serbisyong militar ang mapapatunayang guilty sa kaso subalit kung magkakaroon ng plea bargaining ay maaaring bumaba ito sa parusang rank demotion, ayon sa abogadong si Edgardo Abaya.

Binanggit pa ni Abaya na hindi naipabatid o nakonsulta kay Trillanes, na humirit ng pagliban sa pagdinig, ang planong plea bargain.

Si Faeldon naman ay pinaninindigang malitis kasama ang dalawa pang ibang junior officers.

"My clients want to remain steadfast in their principles for the same that they went to Oakwood, they see no difference, in the changes, they do not expect justice but they submit peacefully to due process so for consistency sake they will not submit to plea bargain," ani Angeles sa pahayagang Mindanao Examiner.

Ipinunto naman ni Abaya na kung papayag ang mga kliyente nitong sina Trillanes at Faeldon sa plea bargaining ay magkakaroon na ng pagkakataon ang mga ito upang makapagpyansa sa kasong kudeta sa Makati Regional Trial Court.

"It's like they settled without admitting they did something wrong. Okay, I'll agree to plead guilty if at the end of the day, I will be discharged after the hearing drags. I would want to believe that it's more of practicality," sabi ni Abaya.

"They have been jailed for four years, and the case is bailable. They will still face the RTC and there will be no reason to detain them because of the court martial," dagdag pa nito.

Sa pagdinig rin kanina, ipinag-utos ng General Court Martial sa pangunguna ni Brig. Gen. Nathaniel Legaspi, ang pagpapalaya sa 3 junior officer na hiwalay sa 29 makaraang walang matukoy na sapat na batayan ang Special Adjudication Board upang tuluyang ikulong ang mga ito.

Kabilang sa mga ito ay sina Navy Ensign Cesar Pangan Jr. at Marine Majors Yuri Pesigan at Danilo Luna. (Juley Reyes)

No comments: