QUEZON CITY (Mindanao Examiner / 12 Jun) – Tinatayang 19 na pinuno ng barangay sa kalakhang-Maynila ang humihirit diumano ng pagpapabalik sa tropa ng mga sundalo para sa kanilang kampanya kontra kriminalidad.
Sa liham kay Armed Forces Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr., ay ipinunto ng mga barangay chairman ng Maynila, Quezon City, Caloocan City at Taguig City na malaking pakinabang ang mga sundalo sa Metro upang mapababa ang antas ng krimen bukod pa sa nagsilbing inspirasyon din ang mga ito ng kabataan.
Nagpakita rin anila ng propesyunalismo at disiplina ang militar sa National Capital Region (NCR) kung kayat walang masama na maibalik ang mga ito.
"Dahil po sa pakikipag-ugnayan namin sa mga kasundaluhan, panatag na po ang aming mga kalooban na naririyan sila para sa aming kaligtasan at kasiguruhan. Nais po naming iparating sa inyo na sa kanilang pag-alis bago ang halalan ay mas naramdaman namin ang aming pangangailangan sa kanila sa pagtataguyod ng kaayusan at kaunlaran sa ating bayan," ayon sa kanilang liham na ipinakita sa pahayagang Mindanao Examiner kaninang umaga.
Gayunman, wala pang balak ang liderato ng militar na tugunan ang nasabing kahilingan ng mga barangay official.
Pinag-aaralan pa rin ng AFP leadership ang naunang isinumiteng accomplishment report ng National Capital Region Command hinggil sa naging civil military operations nito sa Metro.
Nauna nang nagpahiwatig si Esperon na kung sadyang kailangan ang mga sundalo sa Metro Manila ay may posibilidad na mapakilos muli ang mga ito. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment