CEBU (Mindanao Examiner / 05 Jun) – Umani ng malaking batikos si Cebu City Mayor Tomas Osmeña mula sa publiko dahil sa pagpapatigil nito sa konstruksyon ng isang maliit na paaralan dahil lamang sa diumano'y bengansa.
Nagalit umano si Osmeña sa Barangay chairman ng Lahug na si Mary Ann de los Santos ng sabihin nitong walang naitulong ang mayor sa nasabing lugar sa kasagsagan ng kampanya umano sa nakaraang halalan.
At dahil doon ay ipinatigil nito ang pagpapagawa sa paaralan na sana’y magagamit ng mga mahihirap na estudyante sa nasabing barangay.
Nais umano ni Osmeña na humingi ng tawad si Delos Santos sa pahayag, ngunit nagmatigas ang lider ng barangay at sa halip ay naglunsad ito ng “Piso Mo, Eskwelahan Mo“ fund drive at naguumapaw naman ang simpatya ng publiko sa kanya.
Nagambag-ambag na rin umano ang maraming mga residente upang makapangalap ng salaping magagamit sa pagtatapos ng paaralan. Nakarating naman ito sa pandinig ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia at agad naglabas ng resolusyon ang Provincial Board at nangakong magbibigay ng P5 milyong pondo bilang tulong.
Kaliwa’t –kanan naman ang batikos na tinanggap ni Osmeña sa naging desisyon nito. Tinanggal rin diumano ni Osmeña ang gasoline subsidy ng naturang barangay.
Pinuri naman ng publiko si Garcia at mga pulitikong tumugon sa sinapit ng Barangay Lahug.
Nais rin umanong humingi ng tulong ng mga taga-Barangay Lahug kay ex-Makati Rep. Mark Jimenez dahil kilala ito sa kanyang pagkamaawain at matulungin sa mga mahihirap, partikular sa mga bata. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment