Friday, June 15, 2007

Mga Nagwagi Sa Maguindanao, Sumumpa Na!

COTABATO CITY (Mindanao Examiner / 15 Jun) – Nagkumahog diumano kahapon ang halos lahat ng mayors at kanilang mga bise na agad makapanumpa bilang mga halal sa lalawigan ng Maguindanao sa kabila ng mga akusasyon marumi at talamak ang dayaan doon.

Umabot sa 22 mga mayors at kanilang mga bise ang sumumpa kay Regional Trial Court Judge Binsawan Ibrahim sa Maguindanao Provincial Capitol sa bayan ng Shariff Aguak, ang kuta ng mga angkan ng Ampatuan na siyang nanaig sa halos lahat ng bayan.

Ito ay sa kabila ng kautusan ng Commission on Elections na magsagawa ng hearing upang alamin sa mga mayors at ibang nagawagi sa May 14 polls ang mga akusasyon ng dayaan.

Naglabas rin ng subpoena ang COMELEC sa mga opisyal ng Maguindanao, ngunit ipinaggigiitan ng mga ito na wala silang natatanggap na anuman.

Si Maguindanao Gov. Andal Ampatuan ay muling nagwagi at ganoon rin ang kanyang mga anak at kamag-anakan sa buong lalawigan na bahagi ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na kung saan ay ang isa pang anak, si Zaldy Ampatuan, ang tumatayong governor.

Sa Maguindanao ay kagulat-gulat na 12-0 ang naging panalo ng Team Unity senatorial candidates ni Pangulong Gloria Arroyo.

Bukod sa Maguindanao ay talamak rin ang dayaan at marumi ang halalan sa Lanao, Basilan at Sulu, lahat ay kabahagi ng ARMM, na kung saan ay nagwagi rin ng malaking boto ang senatorial line-up ni Arroyo.

Kaalyado ni Arroyo ang mga Ampatuan na umano’y nagbigay sa Pangulo ng panalo sa Mindanao. Isang elections officer na si Musa Dimasidsing na lumutang upang ikondena ang dayaan ang pinatay kamakailan at dalawang guro pa na naglakas loob na magsalita rin ang umano’y dinukot ng mga armado.

Itinanggi naman ng mga opisyal ng Maguindanao at kanilang mga supporters ang lahat ng akusasyon ng pandaraya. (Mindanao Examiner)

No comments: