Friday, June 15, 2007

Trillanes, Muntik Ng Sumabit Sa Proklamasyon!

Isa sa mga campaign material ni Senador Antonio Trillanes. (Mindanao Examiner Photo Service)


MANILA (Mindanao Examiner / 15 Jun) - Muntik nang hindi makadalo si senator-elect Antonio Trillanes sa proklamasyon nito sa Commission on Elections kaninang umaga matapos na harangin ng Armed Forces ang paglabas nito sa kulungan.

Ngunit pinagbigyan pa rin ni Armed Forces Chief Gen. Hermogenes Esperon si Trillanes bagamat iginigiit nito na marapat ay sinusunod ng senador ang proseso habang nasa hurisdiksyon pa rin ng militar.

Nabigo umano ang ang kampo ni Trillanes na magsumite ng pahintulot kay Esperon upang makadalo sa proklamasyon nito kanina.

Bukod sa permiso ng Makati Regional Trial Court, obligado si Trillanes na magpaalam sa AFP dahil bahagi ito ng proseso bukod pa na sila ang may hawak ng kustodiya sa dating opisyal ng militar.

Pinagkaguluhan naman si Trillanes ng media ng dumating sa COMELEC kasama ang mga mahal sa buhay at supporters.

Wala naman balak si Trillanes na gantihan si Esperon kahit pa ito ay nanalo bilang senador.
Sinabi pa ni Trillanes na habambuhay nitong irerespeto si Esperon bilang miyembro ng Upper Class sa Philippine Military Academy (PMA) at nakatataas na opisyal ng militar.

Gayunman, binigyang-diin ni Trillanes na ang kanyang ipinaglalaban ay para rin sa mga miyembro ng Armed Forces at mahalagang malinis ang institusyon sa lumalalang katiwalian at magpatupad ng reporma.

Kasabay nito, hindi naman natitinag si Esperon sakaling gisahin siya ni Trillanes sa anumang imbestigasyon ng Senado na ipatatawag nito.

Sinabi ng heneral na bahagi ito ng demokratikong proseso sa bansa at malimit rin naman siyang humaharap sa mga pagdinig ng Mataas ng Kapulungan.

"That's part of the democratic process. Lagi rin naman akong humaharap sa Senado," ani Esperon sa pahayagang Mindanao Examiner.

Makakaharap aniya siya sa Senado kung bibigyan ng awtoridad ng Commander-in-Chief o ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para dumalo sa anuma ng pulong o pandinig.

Bagamat hindi masama ang loob ni Esperon sa pagkapanalo ni Trillanes ay inamin naman nitong kagulat-gulat ang pagkakahalal ng failed mutiny leader.

Samantala, masalimuot na proseso ang dadaanan ni Trillanes bago tuluyang mailipat ang kustodiya rito mula sa militar tungong Senado.

Ayon naman kay Armed Forces spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro ay hindi magiging madali para kay Trillanes ang makabitaw sa kustodiya ng militar bunsod na rin ng kinakaharap nitong kasong paglabag sa Articles of War noong aktibo pa sa serbisyo.

Nais naman ni Trillanes na magkaroon ng pagbabagop sa kanyang kulungan at posibleng doon nito isagawa ang anumang pandinig o pulong na may kinalaman sa kanyang pagiging senador. Ito ay kung hindi siya papayagang makadalo sa Senado.

Posibleng maibigay kay Trillanes ang Defense Committee at mailipat sa kustodiya ng Senado o Sergeant-at-Arms nito o sa Senate President ang kaso nito.

Sabit sa Trillanes sa nabigong coup apat na taon na ang nakalipas. Korupsyon sa pamahalaan at Armed Forces ang naging isyu ng Magdalo Group na kinabibilangan nito ng kanilang okupahan ang Oakwood Premiere Hotels sa Makati City. (Juley Reyes at Juan Magtanggol)

No comments: