MANILA (Mindanao Examiner / 11 Jun) Kinumpirma ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang inilunsad nitong survey sa mga kasundaluhan upang pulsuhan ang sentimyento sa pagkapanalo ni failed coup leader Navy Lieutenant Seniorgrade Antonio Trillanes.
Noong isang linggo pa sinimulan ng Civil Relations Service ng AFP ang naturang survey, gayunman, agad na kinatwiranan ni military spokesman Lieutenant Colonel Bartolome Bacarro na layunin lamang nito na mabatid ang damdamin ng mga miyembro ng organisasyong militar dahil sa posibilidad na marami rin ang pumapalag o hindi pabor sa pag-upo ni Trillanes sa Senado.
Sakali aniya may mga matanggap na dissenting opinion o negatibong pananaw sa pagiging senador ni Trillanes, magsasagawa ang AFP ng kaukulang information drive o pagpapaliwanag para mapahupa ang anumang pag-alma.
"Gusto nating malaman yung sentiment ng ating mga kasundaluhan. It is possible na merong mga dissenting opinions coming from our soldiers and on the part of the AFP leadership we also like to know kung ano yung mga efforts na pwede nating gawin.”
“It is to remove rumblings within the organization, posible kasi na itong dissenting opinion ng ilang sundalo would create rumblings within the organization," paliwanag pa ni Bacarro
Partikular na nais aniyang ipaliwanag ng AFP sa mga sundalong maaaring umalma sa pagkakaluklok kay TRillanes ay ang mandatong ibinigay ng taumbayan sa dating opisyal ng militar ngunit hindi nangangahulugang ligtas na ito sa parusa ng batas.
Itinanggi naman ni Bacarro na iniingatan ng AFP na magsilbing inspirasyon o tularan ng mga sundalo si Trillanes na kilalang nanguna sa mutiny laban sa gobyerno kung kayat nagsagawa ito ng survey.
Hindi umano maituturing na banta sa militar si Trillanes na kung tutuusin ay puwede itong maging kasangga ng AFP.
"He would know what are the needs of the AFP, he can push for some legislation that would favor the AFP," dagdag nito. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment