MANILA (Mindanao Examiner / 25 Jul) – Ingat na ingat ngayon ang militar sa mga pahayag hinggil sa opensibang ilulunsad laban sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sumalakay at pumaslang sa mga kagawad ng Philippine Marines sa Basilan province.
Sinabi ni Armed Forces spokesman Lt. Col. Bartolome Bacarro na may mga konsiderasyong panseguridad na kanilang isinasaalang-alang sa operasyon.
Bagamat ayaw aminin ni Bacarro na mayroong news blackout o gag order, hindi naman nito maipaliwanag ang nabibiting pag-atake ng military forces sa Basilan para makuha ang mga rebeldeng nasa likod ng pagpugot sa ulo ng sampung marines na kasama sa 14 na napatay nuong July 10.
Ilang araw mula nang matapos ang deadline ni AFP Chief of Staff Gen. Hermogenes Esperon, Jr. nuong Linggo, wala pa ring nangyayaring armed contact sa kabila ng naunang pagmamalaki na tukoy na nila ang mga suspek.
Ayaw ring aminin ni Bacarro kung may "outside forces" na pumipigil sa operasyon ng militar. Ngunit sa bansa idaraos ang ASEAN meet na posibleng madiskaril kung sakaling magkaroon ng sagupaan sa Mindanao.
Unang nagbanta ang MILF na posibleng kumalat ang gulo kung sakaling atakihin ng mga tropa ang rebeldeng grupo sa Basilan.
Samantala, binigyan pa ng pagkakataon ng pamahalaan ang MILF na makumpirma sa hanay nito ang mga natukoy ng militar na suspek sa pagpaslang sa Marines sa Tipo-Tipo, Basilan.
Ayon kay acting Defense Secretary at National Security Adviser Norberto Gonzales, may ilang araw pang ibinigay sa MILF leadership para maberipika kung mga tauhan nito ang nasa kanilang listahan na target ng opensiba.
"Give it a few days, we want them to validate what we have given, kailangan may validation," ani Gonzales.
Bagamat hinihingi aniya ng gobyerno ang tulong ng MILF para mabigyan ng katarungan ang nalapastangang mga sundalo, hindi na nito hihintayin pa ang rebeldeng grupo sa kanilang magiging aksyon.
"We're asking their help, it does not mean the Armed Forces of the Philippines and our police or the government will have to wait for the MILF. No, we will get those guilty parties," diin pa ni Gonzales.
Ilang ulit na sinabi ng MILF na hindi nito isusuko ang kanilang miyemrbo dahil isang legitimate encounter ang naganap sa bayan ng Al-Barka ng pasukin ng mga sundalo ang kanilang lugar sa paghahanap kay Italian Catholic priest Giancarlo Bossi na dinukot nuong June 10 ng mga rogue MILF rebels sa pangunguna ng magkapatid na Akiddin at Wanning Abdusallam.
Sa Lanao del Norte naman pinalaya si Bossi nuong July 19 at sinabi nitong kailanman ay hindi siya dinala sa Basilan. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment