MANILA (Mindanao Examiner / 25 Jul) – Itinanggi kanina ng militar na nasa kustodiya nito ang dinukot na aktibastang si Jonas Burgos matapos na ipagutos ng Korte Suprema sa Armed Forces na ilabas ang nawawalang magsasaka.
IKinatwiran naman ni Philippine Army spokesman Lieutenant Colonel Ernesto Torres, Jr, na wala sa militar si Burgos na dinukot nuong Abril sa loob ng isang restaurant sa Caloocan.
Natunton ang sasakyan na ginamit sa pagdukot sa Philippine Army sa Bulacan province.
Naglabas ng isang writ of habeas corpus ang Korte Suprema at iniutos sa militar isuko si Burgos sa Biyernes.
"If on that day, we cannot produce Jonas, if he was with the military, there's no reason not to bring him out," ani Torres.
Kinatigan ng Korte Suprema ang habeas corpus petition ni Mrs. Edita Burgos, ang ina ni Jonas, upang atasan ang Pangulong Gloria Arroyo na ipalutang kina Armed Forces Chief of Staff General Hermogenes Esperon, Jr. at Army Chief Lieutenant General Romeo Tolentino, at sa iba pang military commanders ang nawawalang aktibista.
Una nang tinukoy ng pamilya Burgos ang 56th Infantry Battalion sa Bulacan na may kagagawan umano ng pagdukot. Inakusahan rin ni Mrs. Burgos si Esperon na pinagtatakpan ang mga tauhan nito nang mabigong ibahagi sa kanila ang sipi ng resulta ng imbestigasyon ng militar sa naturang insidente.
Ayon kay Torres, kung tutuusin ay kumilos na rin ang tropa ng Army sa buong bansa upang hanapin si Jonas.
"We have been consistent with our efforts to try to locate Burgos. From the start, we have been supporting proper investigating agencies, which is the Philippine National Police," dagdag pa ni Torres.
Magugunitang inangguluhan rin ng Philippine Army na ang rebeldeng New People's Army ang posibleng may kagagawan ng pagkawala ni Burgos na umano’y miyembro ng gerilyang grupo.
Naunang isinabit ni Senior State Prosecutor Emmanuel Velasco, hepe ng Presidential Task Force Against Media Harassment, ang anim na sundalo na umano'y may kinalaman sa pagkawala ni Burgos at ipinag-utos sa National Bureau of Investigation (NBI) na i-summon ang lahat ng suspek upang maimbestigahan.
Lima sa mga sundalo ay nakilalang sina Army Lt. Col. Noel Clement, former commander ng 56th Infantry Battalion; Army Lt. Jaime Mendaro, ng 56th Infantry Battalion; Army Sgt. Jason Roxas at Air Force Cpl. Maria Joana Francisco; Army Sgt. Aron Arroyo at isang alias TL o Team Leader -- lahat ay assign sa Military Intelligence Group-15.
Ngunit matapos na pangalanan ito ni Velasco ay agad naman siyang sinibak ni Justice Secy. Raul Gonzales. Itinanggi rin ng mga sundalo na may kinalaman sila sa pagdukot kay Burgos. (Juley Reyes at Juan Magtanggol)
No comments:
Post a Comment