MANILA (Mindanao Examiner / 03 Jul) – Siniguro kanina ng Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na makukuha na ng mga sundalo ng bansa ang isinabatas na pagtataas ng hazard pay at subsistence allowance mula ngayong buwan.
Sa kanyang talumpati sa ika-60 taong anibersaryo ng Philippine Air Force (PAF), sinabi ni Arroyo na bukod sa oportunidad para sa pabahay sa militar at pamilya nito, gayundin ang scholarships at livelihood projects, mahalagang mabigyan ng dagdag na benepisyo ang mga miyembro ng Sandatahang Lakas.
Kasabay nito, tiniyak rin ng Pangulong Arroyo na madudurog na ang mga terorista at komunista sa bansa sa pagsisimula ng implementasyon ng Human Security Act of 2007 sa Hulyo 15.
Umaasa rin si Mrs. Arroyo na sa pamamagitan ng naturang batas ay magiging epektibo ang pakikipagtulungan ng Pilipinas sa counter-terrorism campaign.
"The Human Security Act shall be the basis of more effective anti-terrorism measures that will not only crush the terrorist movement in the country, keeping away from our shores, and also make us more effective in fighting terrorism together with our ASEAN [Association of Southeast Asian Nations] brothers," ayon sa Presidente.
Samantala, binanggit ng Pangulo ang nakakasa nang planong pagbili ng P5 bilyong halaga ng mga bagong UH-1H helicopters na ligtas na magagamit ng mga piloto ng PAF.
Ang naturang hakbang ay nakapaloob sa Philippine Defense Reform program na pinondohan ng P17.5 bilyong piso ng gobyerno.
Dumalo rin sa nasabing pagtitipon ang siyam na regional Air Force chiefs ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN) na sina Brigadier General Dato Paduka Mahmud ng Brunei, Lieutenant General Soeung Samnang ng Cambodia, Air Chief Marshal Herman Prayitno buhat sa Indonesia, Colonel Khamphone Sivixay ng Laos, General Dato Azizan Bin Ariffin ng Malaysia, General Myat Hein ng Myanmar, Major General Ng Chee Khern ng Singapore, Air Chief Marshal Chalit Pakbhasuk ng Thailand, at Major General Le Huu Duc mula sa Vietnam. (Juley Reyes)
No comments:
Post a Comment