Monday, July 02, 2007

Walang Maitutulong Ang Imbestigasyon Sa Kaso Ni Jonas Burgos: AFP

MANILA (Mindanao Examiner / 02 Jul) – Kahit na ipilit ng mga kaanak ng nawawalang aktibista at anak ng publisher na si Jonas Burgos na makakuha ng sipi ng resulta ng imbestigasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP), wala itong mapapala upang masolusyunan ang kaso.

Ayon kay Armed Forces Chief of Staff General Hermogenes Esperon Jr., natuon lamang sa nawawalang plaka ng sasakyan na naka-impound sa kampo ng 56th Infantry Battalion sa Norzagaray, Bulacan ang imbestigasyon at hindi sa pagtukoy kung sino ang dumukot kay Burgos sa hanay ng militar.

Ang naturang plakang nawawala ay namataan umanong ginamit sa get-away vehicle nang dukutin si Burgos."The matter of releasing the document is not material to solving the abduction itself," punto ni Esperon na tumutukoy sa resulta ng pagsisiyasat ng AFP Provost Marshal hinggil sa nasabing isyu.

Ipinahiwatig na rin ng heneral ang hindi pagpayag na mabigyan ng kopya ang pamilya Burgos ng Provost Marshal report sa harap ng pag-aaral na isinasagawa ng Judge Advocate General's Office (JAGO) kung legal na ilabas ang pag-uulat nito sa kontrobersya.

Bahagi ng polisiya ng AFP ang manatiling confidential ang mga dokumento nito.

Bagamat nauunawaan ni Esperon ang alegasyon ni Mrs. Editha Burgos na mayroong cover-up sa pag-uungat ng AFP sa naturang isyu, naninindigan siyang walang alam ang militar sa pagkawala ng batang Burgos.

"If there is any allegation that there is a cover up, I understand there is a grieving mother but I must assure her that we are doing our best to help out in the situation," pahayag pa ni Esperon. (Juley Reyes)

No comments: