Friday, September 21, 2007

Human Rights Film, Inipit Ng Pamahalaan?

MANILA, Philippines (Mindanao Examiner / 21 Sept) - Mariing kinokondena ngayon ng UP SINING AT LIPUNAN (UP SILIP) ang pahayag mula sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na pagkakategorya bilang X-Rated sa RIGHTS - isang koleksyon ng mga public service announcements mula sa iba’t ibang filmmakers.

Ayon sa MTRCB, makaisang panig at pagmamaliit sa pamahalaan ang nilalaman ng naturang maiikiling vidyo kaya't di ito nararapat na maipalabas sa publiko.

Tampok sa mga vidyo na ito ang mga pananaw ng mga artista't filmmaker sa iba't ibang isyu ukol sa karapatang pantao—mga sapilitang pagkawala, pulitikal na pamamaslang, pagsupil sa kalayaan sa pamamahayag at iba pang paglabag sa karapatang pantao.

Ngunit ang bawat artista ay may kalayaang pumili ng nais niyang panigan. Sa pagkakataong ito, sa mga biktima - ang mamamayan, ani ng UP SILIP. Ang ganitong uri ng paniniil, ayon sa UP SILIP, ay isang paghadlang sa karapatan at kalayaan ng mga alagad ng midya at ng sining na magpahayag.

"Marahil ay takot lamang ang mga institusyong ito na makita ang tunay na mga kaganapang sila mismo ay ayaw nilang harapin at tugunan," ayon sa UP SILIP.

Naniniwala ang UP SILIP na ang pelikula ay isang makapangyarihang porma ng sining at nararapat lamang na magsilbi ito sa panlipunang pagbabago.

Kaya naman bagkus na censorship, pagkilala at pagpupugay ang dapat ihandog sa grupo ng mga filmmakers na ito na ginamit ang kanilang sining para ipamalas ang katotohanan.

"At sa ganitong mga insidente ng represyon, higit lamang nilang pinupukaw ang pagnanais ng mga artista't filmmaker na patuloy na lumikha, magsiwalat at magmulat," dagdag pa ng grupo.

No comments: