IPIL, Zamboanga Sibugay (Mindanao Examiner / Oct. 30, 2007) – Itinanggi ng pulisya kanina ang balitang 74 mga teenager na umano’y nasa educational tour ang dinetene ng isang alkalde sa lalawigan ng Zamboanga del Sur.
Naunang nabalita na nahaharap sa kaso si Mayor Nestor Loquias ng bayan ng San Miguel matapos na magreklamo ang ilang magulang ng mga bata sa pulisya nuong Biyernes.
Ito rin ang naging laman ng mga pahayagan ditto ngayon, ngunit mismong si Supt. Angelito Casimiro, intelligence chief ng pulisya sa Western Mindanao, ang nagsabing pawing mga tagasunod ng alkalde ang mga teenager.
“Mga followers ni Mayor ang mga yun. Hindi totoo na dinetene niya ang mga teenagers,” ani pa ni Casimiro sa Mindanao Examiner.
Hindi naman mabatid kung sino ang mga kandidato ng alkalde sa Barangay at SK polls.
Ayon pa sa ulat ay nailigtas umano ng mga parak at miyembro ng Department of Social Welfare and Development ang mga teenager matapos na magreklamo ng tatlong magulang ng mga bata na sina Leonardo Balbatro, Emiliano Alcurin Mondido at Leonides Dagaan. Sa bahay umano ni Loquias sa Barangay Tuburan sa Pagadian city natagpuan ang mga teenager.
Hindi naman natagpuan doon ang alkalde ngunit walo umano sa mga tauhan at kasama nito sa bahay ang diumano’y inaresto – sina Bonifacia Urro, Carlos Urro, Rolando Paragas, Leny Rosa Vergas, Ronald Pregino, Analiza Martinez, Alien Sumiling at Leonilo Calinaol – ayon pa sa ulat.
Nagtungo naman sa pulisya sa Pagadian City ang alkalde kasama ang kanyang abogado upang itanggi ang lahat ng paratang. Posibleng pakana lamang umano ng mga katunggali sa pulitika ang nasa likod ng ulat na pinigil nito ang mga teenager. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment