MAYNILA, Pilipinas (Mindanao Examiner / Dec. 10, 2007) - Kahirapan pa rin ang umano'y ugat ng pinakamatitinding paglabag sa karapatang pantao ng mamamayang Pilipino, ito'y ayon kay Elmer Labog, Tagapangulo ng Kilusang Mayo Uno(KMU.
Ito ang pahayag ngayon na inilabas ng KMU kasabay ng pagdiriwang ng International Human Rights Day.
Ayon kay Labog, gayong patuloy ang pagdami ng kaso ng extra-judicial killings at enforced disappearence o pagdukot sa Pilipinas, mahirap sukatin ang dami at lala ng paglabag sa pagiging tao ng mga Pilipino sa kahirapang nagdudulot sa kanilang "mabuhay ng mas malala pa sa mga daga".
" Nakakalungkot na nagiging ordinaryong tanawin na sa atin na makita ang ating mga kababayang nagkakalkal sa mga basura upang may makain. Dumating na tayo sa panahon na dulot ng matinding kahirapan, nakikipagkumpetensiya ang maraming bilang ng mga Pilipino laban sa mga daga, aso at pusa para sa mga tira-tirang pagkaing naibasura na."
"Kung makatao pa ito, hindi ko na alam kung ano pa ang ibig sabihin ng makatao o disenteng pamumuhay," ani Labog sa isang pahayag na ibinigay sa pahayagang Mindanao Examiner.
Iginiit ni Labog ang pag-aaral ng International Food Policy Research Institute (IFPRI) na nailabas nitong Nobyembre na 11 milyong Pilipino mula sa humigit kumulang na 1 bilyong tao sa buong mundo ang nabubuhay lamang sa US1$ kada araw. Ayon sa IFRI, nakasadlak sa extreme poverty o "napakalalang kahirapan" ang sinumang nabubuhay sa US1$ bawat araw.
"Hindi maitatawa ng gubyernong Arroyo na sa 11 milyong Pilipino biktima ng napakatinding kahirapan ay ang mga Pilipinong hindi nabibigyan ng trabaho ng pamahalaan. Hindi rin nakapagtatakang kasama din dito ang ibang manggagawang nawalan ng trabaho at kabuhayan dahil na rin sa mga baluktot na programa at mga polisiya ng gubyernong Arroyo," ani pa ni Labog.
Ipinahayag din ni Labog na sa pagdami ng mahihirap na Pilipino sa bansa, isang kasinungalingan ang pagyayabang ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa mga negosyante sa United Kingdom na siya' y isang magaling na ekonomista.
"Hindi kailanman nakakakain ng mga mahihirap ang ipinagmamalaking datos ng paglago sa ekonomiya ni PGMA. Ang totoo mas lumulubha ang kanilang kalagayan dahil hanggang sa ngayon ipinapain pa rin niya ang mga Pilipino sa mga hayok na dayuhang mamumuhunan at malalaking negosyante upang makakuha ng mga pera na walang kahihiyang kinukurakot naman nila."
"Malinaw kung gayon na maging sa mga pang-ekonomiyang karapatan ng mga Pilipino si Gloria ang numerong unong lumalabag sa mga ito, " diin pa ni Labog.
No comments:
Post a Comment