DAVAO CITY, Philippines (Mindanao Examiner / Jan. 28, 2008) - Sa kabila ng mga programa sa edukasyon ng gobyernong Arroyo ay hindi maitatanggi na ang edukasyon sa ating bansa ay nahaharap sa isang matinding krisis.
Ang krisis na ito'y pinatutunayan ng lumulobong bilang ng mga kabataang hindi nakakapag-aral, lalung – lalo na sa kolehiyo. Sumasalamin ito sa kasalukuyang mukha ng komersyalisadong sistema ng edukasyon sa bansa.
Ang sistemang ito ay kitang-kita sa pagiging inutil ng mga tanggapan ng gobyerno na syang namamahala sa edukasyon kabilang na ang Commission on Higher Education na nagbubulag-bulagan sa mga hinaing ng mga estudyante patungkol sa paraan ng pagtaas ng matrikula.
Sa mga State Colleges and Universities, patuloy ang proposal ng mga administrador, alinsunod sa polisiya ng gubyerno, na magtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin. Sa University of the Philippines, nagtaas ng 300% ang tuition.
Ang mga nasabing pagtaas ng mga bayarin ng mga iskolar ng bayan ay nakabatay sa Long Term Higher Eduacation Program of 2010 ng Arroyo regime kung saan isa sa mga mayor na katangian nito ay gawing self – reliant ang mga pampublikong pamantasan sa kung anong paraan man basta makapagbibigay ng pondo sa institusyon. Isa sa mga manipestasyon nito ay ang ipinasang Senate Bill 1399, isang panukala ni Sen. Francis Pangilinan.
Isa sa mga probisyon nito ay ang pagbibigay ng karapatan sa mga administrador ng pamantasan na magtaas ng matrikula at iba pang bayarin at ang paggamit ng pera ng pamantasan sa kung ano mang paraan na nakikita nitong dapat paglaanan ng pondo at hindi na binibigyan ng karapatan ang mayor na bahagi nito gaya ng mga estudyante na makonsulta hinggil sa mga pagtataas ng matrikula.
Kasabay ng mga pinagmamayabang ng gobyerno na pagbibgay ng malaking pondo sa edukasyon ay ang patuloy at hindi makatarungang pagtaas ng matrikula, pribado o pampublikong pamantasan man. Sa patuloy na pagtaas ng matrikula ay tumataas din ang bilang ng mga kabataan hindi makapag aral.
Pebrero na naman, panahon na naman ng mga konsultasyon at huwad na mga konsultasyon sa pagtaas ng matrikula sa iba't ibang paaralan. At bilang pag-alala at pagdiriwang ng sigwa ng unang kwarto ng dekada 70, nararapat lamang na muling manindigan ang mga kabataan at estudyante para sa karapatan nito sa edukasyon.
Kung susuriin, ang dinadanas na pagyurak sa mga karapatan ng kabataan lalo na sa edukasyon sa kasalukuyan ay higit pa sa dinananas na paglapastangan sa karapatan ng kabataan noong dekada 70. Ang sigwa ng unang kwarto ng dekada 70 ay isang napakalaking bahagi ng kasaysayan ng pakikibaka ng kabataan at mga estudyante.
Kung ating matatandaan, ang nag udyok sa mga kabataang estudyante na kumilos at mag alsa noong dekada 70 ay ang hindi makatarungang pagtaas ng matrikula at iba pang mga bayarin sa loob ng paaralan at iba pang porma ng panggigipit ng administrasyon sa loob at labas ng paaralan.
Inaasahang daragsa ang mga estudyante at kabataan sa paglahok at pakikiisa sa isasagawang walkout sa Pebrero 1 bilang protesta sa lumalalang komersyalisasyon ng edukasyon sa bansa, ayon kay Makpil Camacho, ng University Student Council, University of the Philippines–Mindanao.
No comments:
Post a Comment