SULU (Mindanao Examiner / Mar. 23, 2008) – Magandang balita ang naghihintay sa pulisya sa Sulu matapos na ibunyag ni Gov. Sakur Tan na ito’y makikipagpulong sa mga sundalong Kano sa lalawigan upang mabigyan ng sapat na training ang mga parak.
Nais ni Tan na mapakinabangan ng pulisya ang anumang makukuhang kaalaman sa mga Kano, partikular sa larangan ng pakikibaka sa terorismo. Kabilang sa mga nais ni Tan na matutunan ng pulisya ay ang bomb detection, marksmanship training, medical training at iba pa.
Tinatayang daan-daan mga sundalong Kano ang nasa Sulu pa rin mula pa nuong 2006 ng magkaroon ng joint RP-US military training doon.
“Pupulungin ko ang mga opisyal ng US military o ng Joint Special Operation Task Force-Philippines upang maturuan o mabigyan ng sapat na pagsasanay ang mga pulis natin sa Sulu,” ani Tan. “Kailangan natin na mabigyan ng wastong pagsasanay ang pulisya natin upang maging mas epektibo sa kanilang ginagampanang tungkulin.”
Sa Martes umano pupulungin ni Tan ang mga sundalong Kano, na hanggang ngayon ay tumutulong pa rin sa operasyon ng Armed Forces of the Philippines kontra terorismo sa Sulu. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment