MAGUINDANAO (Mindanao Examiner / June 4, 2009) – Talamak diumano ang bentahan ng mga food rations sa ibat-ibang refugee shelters sa Maguindanao, isa sa limang lalawigan ng magulong Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Napipilitan umanong ibenta ng mga refugees ang kanilang mga bigas, noodles at mga de-lata upang makabili ng mas disenteng pagkain tulad ng isda at gatas sa mga bata. Sawa-sawang na umano ang mga ito sa paulit-ulit na kinakain sa loob ng maraming buwan na panantili sa mga shelters.
Karamihan sa mga food aid ay galing sa International Committee of the Red Cross at World Food Program. Sinasamantala naman ng mga negosyante ang sitwasyon ng mga refugee at binibili ng mga ito ang mga supplies sa murang halaga at saka naman ibibenta sa ibang lugar na halos ka-presyo na ng mabibili sa supermarket.
Malakas rin ang ugong na may mga grupong nagbebenta ng mga food aid at ni hindi na umano ito nakakarating sa mga refugees. Ilang ulit rin na nabalitang nahaharang ng mga armado ang mga truck ng bigas mula sa ICRC at WFP at nabebenta rin at ang iba naman ay napupunta sa mga rebeldeng Moro sa lalawigan.
May mga kaso rin ng mga refugee na nagbabayad ng kanilang food ration o kaya ay ginagamit itong kolateral sa mga bayaran sa pagamutan sa tuwing magkakasakit ang kanilang mga anak.
Naunang sinabi ng Moro Islamic Liberation Front na mahigit sa 600,000 katao ang apektado ng opensiba ng militar sa Mindanao at karamihan sa mga ito ay nasa mga refugee shelters sa Maguindanao at ibang bahagi ng ARMM.
Sinisi naman ni MILF leader Eid Kabalu ang pamunuan ng ARMM dahil sa lumalalang sitwasyon ng kahirapan sa Maguindanao at sa patuloy na kaguluhan doon.
“Ni hindi nga makausap o makita ng mga tao si ARMM Gov. Zaldy Ampatuan. Ni hindi nga nagpupunta sa mga refugee shelters si Ampatuan at madalas eh nasa Maynila o kaya ay nasa abroad. Ganoon rin yun kapatid na gobernador ng Maguindanao, si Andal Jr. at hindi rin makausap ng mga kawawang mga refugees,” ani Kabalu.
Ayon naman sa mga press statement ng ARMM ay hindi nagkukulang ng atensyon ang mga refugees at nabibigyan naman ng tulong mula kay Ampatuan. (May dagdag na ulat si Ferdinandh Cabrera)
No comments:
Post a Comment