COTABATO CITY (Mindanao Examiner / June 25, 2009) – Isang sibilyan na naman ang nasawi sa pambobomba diumano ng militar sa magulong lalawigan ng Maguindanao na kung saan ay patuloy ang opensiba ng pamahalaan kontra Moro Islamic Liberation Front.
Nakilala ang biktima na si Guiarria Enoc ng Barangay Binangga sa bayan ng Guindulungan. Naganap umano ang pagsabog nuong Miyerkoles ng gabi ng tamaan ng mortar mula sa army ang bahay nito, ayon sa kapatid na si Vanesaa Enoc.
Isa pang mortar ang sumabog halos apat na metro lamang ang layo sa naturang bahay.
"Sinasabi nila na calculated nila ang pagapaputok ng mortar. Hindi na kami naniniwala," ani Vanessa sa panayam ng ABS-CBN news team. "Kaya kami tumira dito kasi alam naming ligtas kami dito. Walang rebels dito sa aming barangay."
Isinumbong rin ni Vanessa ang pagumit ng militar sa mga inosenteng sibilyan sa Operasyon nito laban sa MILF.
Inulat naman ng ABS-CBN na hindi pinayagan ng mga sundalo ang kanilang team na magtungo sa ibang mga barangay sa nasabing bayan matapos na makarining ng malalakas ng pagsabog mula sa air strikes ng mga eroplano ng Philippine Air Force.
Pinigil umano ng 46th Infantry Battalion ang news team dahil diumano sa siguridad sa lugar.
Ilang beses na rin inakusahan ng MILF ang militar ng pambobomba sa mga lugar ng sibilyan at sa pagsunog ng maraming kabahay ng mga Muslim sa Maguindanao. Itinanggi naman ito ng 6th Infantry Division. (Mindanao Examiner)
No comments:
Post a Comment