Tuesday, October 13, 2009

Sulu, bumabangon sa kaguluhan!

Ang minaret ng Kapitolyo ng lalawigan ng Sulu. Pilit na umaahon sa kaguluhan ang lalawigan upang maitaguyod ang katahimikan at kasaganahan, ayon kay Gobernador Sakur Tan ng Sulu. (Mindanao Examiner Photo)



SULU (Mindanao Examiner / Oktubre 13, 2009) - Unti-unting nanunumbalik ang kapayapaan sa Sulu at puntirya naman ng pamahalaang panlalawigan ang pagtulong sa mga na-apektuhan ng opensiba ng militar sa ilang bayan doon.

Naglunsad ang militar at pulisya ng operasyon kontra Abu Sayyaf matapos na matunugan na dumating sa Sulu ang ilang grupo ng mga bandidong galing sa lalawigan ng Basilan.

Umabot naman sa mahigit 24,000 ang bilang ng mga sibilyan na nagsilikas at nasa mga temporary shelters sa Indanan na naging sentro ng labanan.

Sinabi ni Sulu Governor Sakur Tan na patuloy pa rin ang pag-tulong nito sa mga refugees at Katuwang ng pamahalaang panlalawigan ang Department of Social Welfare and Development, Red Cross, Area Coordinating Center, Provincial Disaster Coordinating Council at ang Autonomous Region in Muslim Mindanao sa pangunguna ni Governor Zaldy Ampatuan na nagbigay ng P1 milyon bilang tulong sa mga apektado ng operasyon ng militar.

“Patuloy ang ating pagkalinga at pagtulong sa mga refugees sa evacuation centers at maraming mga ahensya ang nagtutulong-tulong para maibsan ang paghihirap ng ating mga kapatid. Pati si Governor Zaldy Ampatuan ay nagbigay rin ng tulong sa atin,” ani Tan sa panayam ng pahayagang Mindanao Examiner.

Abala naman si Tan sa pagbibisita sa mga refugee shelters at sa pakikipagpulong sa mga lider ng ibat-ibang barangay at alkalde upang masiguradong ligtas ang mga sibilyan.

Ngunit sa kabila ng operasyon ng militar laban sa masasamang loob ay naniniwala naman si Tan na isang magandang bukas pa rin ang naghihintay sa marami sa Sulu. “I see bright future for my people and Sulu is now the center of governance where we are able to bring many things and realize what a great province we have.”

“We were able to bring in Sulu the licensure examinations for teachers, for nurses, the police and we have set up desks for applications of national clearance from the National Bureau of Investigations; passport services from the Department of Foreign Affairs, job offers from the Department of Labor and Employment and Philippine Overseas Employment Administration, among others, and all these are part of our efforts to bring the government closer to our people,” sabi ni Tan.

Idinagdag pa ni Tan na nagtayo rin ito ng tanggapan para sa Public Attorney’s Office upang mabigyan ng libreng serbisyo at abogado ang mga mahihirap na humihingi ng hustisya; at Criminal Investigation and Detection Group at Commission on Human Rights at iba pang mga ahensya upang muling maibalik ang tiwala ng publiko sa batas at pamahalaan.

“This is part of our so-called legal offensive and to be able also to bring back the trust and confidence of the people to our justice system and as a matter of fact we were able to get three state prosecutors and two regional judges from the Department of Justice and the Supreme Court and all these offices and help desks are under one roof – lahat ng iyan ay matatagpuan sa Kapitolyo – at tutulungan natin ang lahat ng nangangailangan ng tulong dahil ito ang aking sinumpaang tungkulin,” ani Tan na kilalang relihiyoso at pilantropo sa Mindanao.

Naglagay rin si Tan ng isang tanggapan ng Darul Ifta sa Kapitolyo at suportado ito ng Sulu Ulama Council. “The Darul Ifta will coordinate efforts of all sectors to bring social justice and spiritual consciousness to our people,” wika pa ni Tan.

Ibat-ibang mga proyekto naman ang naitatag sa Sulu sa mahigit na dalawang taon at maging mga pabahay at paaralan ay pinakikinabangan na rin ng maraming sa maraming bayan.

Tumanggi naman si Tan na pag-usapan ang pulitika dahil sa nalalapit na halalan. Ngunit Kinumpirma ng maraming alkalde at opisyal ng barangay sa Sulu na malaki ang suporta ng publiko kay Tan dahil sa magandang pamamalakad nito sa lalawigan at walang bahid ng katiwalian o pagnanakaw.

Kilalang masipag at tapat sa kanyang tungkulin si Tan at isa sa mga maimpluwensyang lider sa Mindanao. (Mindanao Examiner)

No comments: