Monday, April 05, 2010

Grupo ng NPC sa Zamboanga City malakas; Mannix, Monsi at James patok!





Ang grupo ng abogadong si James Enriquez habang nangangampanya sa Zamboanga City. (Mindanao Examiner Photo - Jung Francisco)


ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Abril 5, 2010) – Pinagkakaguluhan sa Zamboanga City ang pangangampanya ng grupo ng batikang abogadong si James Enriquez na tumatakbong congressman sa District 1 at ang incumbent na si Bise Alkalde Manuel Dalipe at dating Presidential adviser na si Crisanto dela Cruz dahil sa kanilang inilatag na plataforma de gobyerno.

Si Dalipe ay tumatakbo ngayon bilang alkalde ng Zamboanga City laban sa incumbent rin na si Celso Lobregat. Si Dela Cruz, na mas kilala bilang “Monsi,” ay dati rin Katolikong pari at ngayon ay ang tumatayong katuwang ni Dalipe sa pagka-bise alkalde.

Kilalang mabait at matalino si Enriquez, na dating opisyal ng Bureau of Customs at isa sa mga pinakarespetado sa Zamboanga at ang mga programa nito ang siyang patuloy na nagdadala sa kanya sa kasikatan sa distritong tinatakbuhan.

Nahuli ng tatlo ang kalooban ng publiko dahil sa kanilang magandang programa kung sakaling palarin at magwagi sa halalan sa Mayo 10. Halos pagkaguluhan ang tatlo sa tuwing darayo sa ibat-ibang barangay kasama ang kanilang grupo na binubuo ng mga batikang pulitiko at baguhan, ngunit karapat-dapat na kandidato ng Nationalist People’s Coalition.

Bahay-bahay rin kung suyurin ng grupo nina Dalipe, Dela Cruz at Jimenez ang mga barangay at mainit na mainit ang pagtanggap sa kanila ng publiko. At mistulang mga artista kung sila’y pagkaguluhan at halos hindi na umano makahinga sa higpit ng yakap ng mga supporters sa tuwing mangangampanya.

“Panalo sila, tiyak sila ang mananalo dahil mabubuting tao ang grupo nina Mannix, Monsi at James. Bagong pag-asa sila ng Zamboanga City at kami ay naniniwala sa kanilang kakayahan at sana ay sila na ang mamuno sa Zamboanga upang umunlad naman ang ating lugar,” ani Nelson, isang supporter ng grupong NPC.

Mannix ang palayaw ni Dalipe at kilala naman si Dela Cruz sa Zamboanga bilang Monsi at siyang nasa likod ng tagumpay ng Lantaka Hotel at paaralan nito at gayun rin si Enriquez dahil sa kanyang slogan na “Puede Si Quire” na ang ibig sabihin ay “Kaya kung Gugustuhin” – isang patunay sa Pilipino na kayang maabot ang anumang pagsubok o minimithi kung magsisipag lamang.

Matibay ang pundasyon ng suporta ng tatlo sa Zamboanga City at patunay lamang ito ng malaking pagrespeto at pagmamahal sa kanila ng mga tao.

Naka-angkla sa matibay na pundasyon ang grupo nina Dalipe, Dela Cruz at Jimenez at pagbabago, progreso at kapakanan ng bawat mamamayan sa Zamboanga ang isinusulong ng mga ito.

Sa mga kandidato naman ng tatlo sa pagka-konsehal ay nangunguna rin sa mga paborito sina Allan Cajucom, na isang kilalang journalist sa Zamboanga; Cesar “Jawo” Jimenez; abogadong si Mel Sadain at iba pa.

Bukod sa NPC ay humahakot rin ng suporta ang mga re-electionists na sina Rogelio “Gerky” Valesco, Rodolfo “Rudy” Lim at Luis “Noning” Biel.

Malakas naman ang pangalan ni dating Defense chief Gilberto “Gibo” Teodoro Jnr, na ngayon ay kandidato ng Lakas-Kampi-CMD coalition ng kasalukuyang pamahalaan sa pagka-Pangulo. (Mindanao Examiner)

No comments: