ILIGAN CITY (Mindanao Examiner / June 22, 2010) – Isa umanong negosasyon ang nagaganap upang mapalaya sa lalong madaling panahon ang dinukot na anak ni Commission on Elections Commissioner Elias Yusoph sa Lanao del Sur.
Hindi naman makunan ng detalye si Yusoph o ang Crisis Management Committee ukol sa paguusap, subalit kinumpirma ng pulisya na may negosasyon na nga sa paglaya ni Nuraldin Yusoph, 22.
Si Nuraldin ay dinukot ng mga armado kalalakihan kamakalawa sa mosque sa Marawi City at agad na tinawagan ng mga ito ang ama ng biktima upang sabihing nasa kanila ang anak. Hiling ng mga kidnappers ay ibasura ni Yusoph ang resulta ng nakaraang halalan sa apat na bayan sa lalawigan.
Kinumpirma naman ito ng pulisya at sinabi ni Senior Superintendent Bienvenido Latag, ang hepe ng pulisya sa Muslim autonomous region, na ang Crisis Management Committee sa pangunguna ng mga opisyal ng Lanao del Sur ang siyang inatasang lumutas sa pagdukot.
Sinabi pa ni Latag na hinihingi nga ng mga kidnappers na ibasura ang resulta ng eleksyon sa bayan ng Malabang, Taraka, Pikong at Masiu kapalit ng paglaya ni Nuraldin.
May hinala naman ang pulisya na kamag-anakan rin ni Yusoph ang nasa likod ng pagdukot sa akalang may kapangyarihan ito na i-annul ang resulta ng halalan sa nasabing mga bayan.
Tikom rin ang bibig ni Yusoph ukol sa kaso, ngunit may komunikasyon umano ito sa mga kidnappers. Isa lamang si Nuraldin sa 10 anak ni Yusop.
Talamak sa dayaan at vote-buying ang halalan nuong Mayo 10 sa Lanao kung kaya't ilang lugar dito ay napostpone ang botohan at itinuloy nitong buwan lamang. Walang umako sa pagdukot kay Nuraldin, ayon sa pulisya. (Mindanao Examiner)
Tuesday, June 22, 2010
Negosasyon sa paglaya ng dinukot na anak ng Comelec brass, nagsimula na!
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment