Tuesday, August 31, 2010

ARMM DH for export, binatikos!

Isang babaeng Muslim ang abala sa pagkuha ng larawan bago ang simula ng kanilang pagdarasal sa Mindanao. (Mindanao Examiner Photo Service)


ZAMBOANGA CITY (Mindanao Examiner / Aug. 31, 2010) – Umani ng batikos mula sa mga konserbatibong Muslim ang anunsyo ng Autonomous Region in Muslim Mindanao na magpapadala ito ng mga kababaihan sa Malaysia bilang domestic helpers pagkatapos ng holy month of Ramadan.

Sa halip na trabaho ang ibigay sa mga Muslim ay iaangkat pa ang mga ito upang gawin katulong sa nasabing bansa. Ang ARMM ay kinabibilangan ng Basilan, Sulu, Tawi-Tawi, Maguindanao at Lanao del Sur.

Ayon pa sa ARMM ay ang pagpapadala ng mga “household helpers” ay bahagi ng isang kasunduan sa mga Malaysian recruiters. Hindi pangkaraniwan sa mga Muslim ang magtrabaho bilang katulong dahil na rin sa values at kulturang kinasanayan ng mga ito.

Dapat umano ay job opportunities at livelihood training ang maibigay ng pamahalaan sa mga Muslim sa ARMM. Ngunit mismong ang ARMM pa ang nagtutulak na palabasin ng bansa ang mga Kababaihan nito upang manilbihan bilang katulong, sa halip na bigyan ng trabaho sa bansa.

"Trabaho ang dapat ibigay sa aming mga kababaihan at hindi ipadala sa ibang bansa bilang katulong, discriminated na nga kami sa Pilipinas eh ganito pa ang gagawin nila," ani ng isang Muslim na si Mukim Kalbi.

Ngunit iba naman sa lalawigan ng Sulu at edukasyon at kooperatiba naman ang panlaban ni Gobernor Sakur Tan upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang mga Muslim doon. Hindi naman ito pabor na ipadala sa abroad ang mga Muslim upang mag-trabaho bilang katulong.

Ilang mga paaralan at regular livelihood training naman ang isinasagawa ni Tan sa Sulu at kamakailan lamang ay ipinag-utos nito ang pagtatayo ng malaking unibersidad na magbibigay ng libreng edukasyon sa lahat sa kursong agriculture at fisheries, at maging si First Lady Nurunisah Tan ay nagpagawa rin ng isang paaralan na nagbibigay ng mga libreng kurso sa Arabic, bukod sa iba pang mga proyekto.
(Mindanao Examiner)

No comments: