Wednesday, October 06, 2010

Ustadz pinatay sa Marawi, mga Muslim umalma!

MARAWI CITY (Mindanao Examiner / Oct. 6, 2010) - Katarungan ang isinisigaw ng mga Muslim sa Marawi City sa Lanao del Sur province para kay Ustadz Aswani na pinatay kamakailan lamang habang nagdadasal sa Masjid Islamic Center.

Si Aswani ay isa lamang sa maraming binaril at napatay habang nagdarasal sa kanilang mga mosque. Tinangay ng mga salarin ang limang libong pisong dala ni Aswani na ayon sa mga kaibigan ay kawi-witdraw lamang sa bangko upang gamitin sa pagpapagamot sa ospital.

Ayon kay Superintendent Cosanie Degorongan, ang hepe ng pulisya sa Lanao del Sur, ay nadakip na nila ang tatlong armado na tinuturong pumatay kay Aswani.

Pero ang sigaw ng mga kamag-anakan at pamilya ng biktima ay hustisya pa rin at katunayan ay nagsagawa pa ng rally ang mga Muslim sa harapan ng korte ngayon Miyerkoles upang iparating sa awtoridad ang kanilang hinagpis sa pagkakapatay sa ustadz.

Talamak ang patayan at iba pang krimen sa Marawi na tinaguriaan Islamic city sa Mindanao. Ang Lanao del Sur ay isa sa limang lalawigan sa ilalim ng magulong Muslim autonomous region na pinamumunuan ni Governor Ansaruddin Adiong. (May karagdagang ulat ni Becky de Asis)

No comments: